NAKU, sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay naihaw nang tustado ang isang male personality na bumabalik na naman ang kaangasan.
Nabali ang pakpak niya nu’n, nagmukha siyang kawawa, pero ngayon ay nakatagpo siya ng napakatamis na asukal na puwede niyang dikitan.
Ang nakakaloka pa, ang mga nagpipista nang gabing ‘yun ay mga personalidad na minsan isang panahon ay nilapitan niya para abalahin sa kanyang mga pangangailangan, ang masakit lang ay hindi na niya binalikan ang mga ito para bayaran.
Pana-panahon nga lang naman ‘yan, minsang nasa ilalim at minsang nasa ibabaw, hindi habampanahong puro dusa ang natitikman lalo na kapag may matinding masasandalan.
Sabi ng isang source, “Naku, umaangas na naman siya! Nadikit lang sa pader, akala mo na uli kung sinong pumorma, e, nu’ng bumagsak siya, mukha siyang nakakaawa!
“Ang dami niyang inabalang tao nu’n para lang siya makaraos, kaliwa’t kanan ang inutangan niya, pero ang masakit lang, ngayong meron na siyang pambayad, e, hindi na siya nakakaalala man lang.
“Naalala ko ‘yung isang negosyanteng palagi niyang inuutangan ng datung, kahit natutulog na ‘yung tao, inaabala pa rin niya! Kesyo wala siyang pambayad sa hulog niya sa sasakyan, pati nga ang electric bill niya, e, sa taong ‘yun niya iniaasa!
“Pero ngayong meron na siyang paraan para makapagbayad, naaalala man lang ba niya ang businessman na ‘yun na palagi niyang inuutangan? Waley! Never! Nakalimutan na niya ang phone number ng taong ‘yun na nagasgas niya nu’ng mga panahong nagdarahop siya!” naiinis na kuwento ng impormante.
Kunsabagay, kilala naman ng kanyang mga katrabaho ang kayabangan ng male personality na ito. Nu’ng kasagsagan ng kanyang karera ay kailangang siya ang palaging bida sa mga kuwentuhan.
“Mainit ang ulo nu’n, lalo na kapag kinokontra mo ang mga kuwento niya! Kailangan siyang sumailalim sa anger management, kasi nga, napakabilis uminit ng ulo niya!
“Hay, naku! Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, magyosi na lang muna kayo kahit hindi ‘yun maganda sa kalusugan. Piliin n’yo ang brand na siyang-siya ang dating!” pagtatapos ng aming source.