ISANG koponan lang ang isasalang ng Pilipinas sa FIBA Asia Men’s Championships na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City at sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila sa Agosto 1-11.
Pero lumalabas na dalawa ang Pinoy head coaches sa torneo dahil bukod kay national coach Vincent “Chot” Reyes ay mamanduhan din ng Pilipinong si Paul Daniel Advincula ang pambansang koponan ng Malaysia.
Si Advincula ay taga-Tacloban City ngunit kilala bilang basketball coach sa Malaysia.
Naging coach siya ng Kuala Lumpur Dragons, Selangor SM Land at Perak Farcochem na kanyang hinatid sa kampeonato ng National Basketball League sa Malaysia.
Noong huling FIBA Asia, ang Gilas Philippine men’s team ay hawak pa ni Rajko Toroman ng Serbia. Ngayon ay ibinigay ang timon kay Reyes.
Gayunman, dalawang iba pang taga-Serbia ang magko-coach sa FIBA Asia. Ito ay sina Nenad Krdzic ng Saudi Arabia at Sasa Nikitovic ng Bahrain.
Dalawa rin ang American coaches. Ito ay sina Scott Flemming ng India at Tom Wisman ng Qatar. Dalawa rin ang Greek coaches: Vangelis Aleksandris ng Jordan at Panagiotis Giannakis ng China.
May dayuhang coach din ang Kazakhstan, si Matteo Boniciolli ng Italy.
Ang iba pang mga coach ng sarili nilang bansa ay sina Yoo Jae-Hak ng South Korea, Kwong Wai Cheung ng Hong Kong, Manu Niyomy Indee ng Thailand, Kimikazu Suzuki ng Japan at Hsu Chin-Tse ng Taiwan.
Samantala, hindi pa tiyak kung anong bansa ang hahalili sa nasuspinding Lebanon para sa torneong ito.
Gayunman, dumating na sa bansa ang koponan ng Lebanon ay kasalu-kuyan nitong pinapakiusapan ang FIBA Asia na payagan silang maglaro.
Sinuspindi ang bansa dahil sa kaguluhang nagaganap sa basketball federation ng Lebanon.
Kinukunsidera ang United Arab Emirates at Iraq para pumalit sa puwesto ng Lebanon sa torneo.
Sa ginanap na draw noong isang buwan, napunta ang Lebanon sa Group B kasama ng Japan, Qatar at Hong Kong.
Nasa Group A naman ang Pilipinas, Jordan, Taiwan at Saudi Arabia.
Nasa Group C ang Korea, Malaysia, Iran at ang nagdedepensang kampeong China.
At nasa Group D ang Kazakhstan, Thailand, India at Bahrain.