IKA-4 NA PANALO NAKUHA NG ALTAS

Mga Laro Bukas
(The Arena, San Juan)
4 p.m. Lyceum vs Letran
6 p.m.  San Beda vs JRU
Team Standings:  Letran (4-0); San  Beda (4-1); Perpetual Help (4-1); Jose Rizal University (3-2); San Sebastian (3-2); Lyceum (2-2); Arellano (2-3); Mapua (1-4); Emilio Aguinaldo College (1-4); St. Benilde (0-5)
NANUMBALIK ang husay sa pagbuslo ng University of Perpetual Help sa ikatlong yugto upang iuwi ang 73-66 panalo kontra Arellano University sa 89th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tumira ng dalawang tres si Chris Elopre at nakipagtulungan kina Juneric Baloria, Justine Alano at Harold Arboleda upang maisulong ang 22-9 palitan para tuluyang iwanan na ang Chiefs.

Kasalo na ngayon ng Altas ang San Beda Red Lions sa 4-1 baraha.

Maagang nagparamdam ang tropa ni Perpetual coach Aric del Rosario dahil hinawakan nila ang 22-14 kalamangan sa unang yugto pero itinaas pa ng Chiefs ang antas ng paglalaro para idikit ang sarili sa 41-38 sa halftime.

Isang 6-1 run ang nagbukas sa ikatlong yugto pero ang tres ni James Forrester ang naglagay sa iskor sa 47-42.

Ito na ang huling dikit ng tropa ni Arellano coach Koy Banal dahil pinakawalan ni Elopre ang dalawang tres habang isa ang ginawa ni Arboleda sa 15-5 palitan at matapos ang ikatlong yugto ay kampante ng nakalayo ng 15 ang Altas, 62-47.

Si Baloria ay may 21 puntos para sa Altas habang sina Alano at Elopre ay may 15 at 12 puntos.

Gumawa ng siyam na puntos si Arboleda pero nagtala rin ng 20 rebounds para punuan ang hindi gaanong kagandahang laro ni Noosa Omorogbe na may pitong puntos lamang.

May 17 puntos, limang rebounds at apat na assists si John Pinto para sa Arellano. Nagdagdag naman ng 11 puntos si Levi Hernandez ngunit kinapos pa rin sila ng suporta sa ibang kasamahan tulad ni James Forrester na patuloy na nangangapa at gumawa lamang ng anim na puntos kahapon.

Inalat din sa laro si Zachary Nicholls na umiskor lamang ng tatlong puntos.

Read more...