TINAWAG ng director general ng Philippine Information Agency (PIA) ang kontrobersiyal na radio personality na si Erwin Tulfo na “superstar wannabe” matapos naman ang kanyang mga banat kay Social Welfare Secretary Rolando Bautista nang hindi paunlakan ang iniiskedyul na panayam sa kanya.
Sa isang post sa kanyang Faceboo account, binatikos ni PIA director general Harold Clavite si Tulfo sa harap naman ng pagbatikos ng huli kay Bautista.
Inilarawan pa ni Clavite si Bautista ng “an image of excellent leadership in government.”
Isang retiradong Army general si Bautista bago italaga ni Pangulong Duterte sa DSWD.
Tinawang pang “not only hallucinating but unpleasant and excruciating” ang ulat na posibleng italaga si Tulfo bilang susunod na Press Secretary.
“This kind of journalism is totally unheard of and I always wonder how some people in the industry get away with such misconduct and transgression,” sabi ni Clavite.
Sa kanyang show na “Tutok Tulfo,” nagalit si Tulfo matapos namang mabigong makapanayam si Bautista sa ere.
“Sino ba tong buang na ito? Pasensya na, maski tao ka ni Pangulong Duterte, lelecture-an na kita. Listen up and listen good,” sabi ni Tulfo.
“Tinatawagan ka namin para marining ng kababayang mahihirap ang stand ng mga mahihirap. Hindi yung sasabihan niyo kami na sumulat muna kayo five days before. Sino ka bang punyeta ka na kailangan ko pang sumulat sayo? Sagutin mo yung telepono mo dahil Secretary ka ng DSWD! Gustong marinig ng mga kababayan natin anong magagawa mo para sa kanila,” ayon pa kay Tulfo.
Nagbanta pa si Tulfo na sasampalin si Bautista.
Kinastigo naman ng mga aktibo at retiradong sundalo ang naging pahayag ni Tulfo.