MARAMI pang “Kambal” at “Kulot” ang nakalinyang ipapapatay ng mga opisyal ng National Police. Nakangiti lamang ang ilang retiradong miyembro ng Manila Police District, ang Manila’s Finest na tinawag ni Erap na Manila’s Worst, hinggil sa kuwentong nang-agaw ng baril ang dalawa kaya’t binaril na lang ng mga pulis. Pero, hindi maipaliwanag kung bakit walang tinamaang pulis nang barilin daw ng mga nakamotor ang van, na kinalululanan ng mga pulis at nina Kambal at Kulot, mga miyembro ng Ozamiz gang.
Hindi kasama ang kuwento kina Kambal at Kulot, sinabi ng mga retiradong opisyal ng MPD na kung may alaga lang silang “sinlaki” nina Kambal at Kulot, disinsana’y nagretiro na sila na mga milyonaryo at hindi nangungutang o nambobola pa rin ng mga politiko para dalhin sa kanilang tanggapan at suwelduhan nang mas malaki. Ang kaibahan, tumba sa pulis-Maynila ang mga kriminal. Sa mga rehiyon, tumba ang kriminal na pinakinabangan na. Kahit na mahirap ipaliwanag sa pitong la-sing ang pagkakatumba, basta, tumba na sila at di na makapagsasalita. Tumba, period.
Noong 1976-1978, panahon ng martial law, kapag ang nahuli sa Maynila ay inakusahang nanggahasa, itinutumba ito kapag inilabas para ibiyahe, di ba Lakay? Marami ang salvage victims sa Maynila noon at isinasagawa ang pagtumba sa curfew. Nakapagtataka na nakasaad sa karamihan sa mga ulat, sa huling bahagi, ang “victim killed elsewhere to mislead investigators.”
Nanganganib na malagay sa kahihiyan si Interior Secretary Mar Roxas kapag napatunayan ng NBI na itinumba sina Kambal at Kulot. Nag-press con pa kasi si Roxas nang madakip sina Kambal at Kulot at iprinisinta ang mga ito. Yun pala, itutumba na rin ng kanyang mga opisyal.
Ang Quezon City Police District ay bihirang nagtutumba, pero madalas na nakikita ang mga salvage victims sa kanilang lugar. Halos lahat ng salvage victims sa QC ay burdado ng tato, at suki na nga ang Sigue-Sigue at Commando. Kaya’t walang nag-rereklamo. Pero, hindi naman lihim sa Camp Karingal kung bakit iti-nutumba ang mga burdado.
Alam ng mga reporter kung gaano kalaki ang katiwalian sa Bureau of Immigration. Ito ang sanhi sa pagbibitiw ni Commissioner Ricardo David, na inako ang responsibilidad sa pagtakas ng Korean criminal na si Kim Tae Dong. Una rito, “nakatakas” din ang Canadian na si Susan Rigby, na nahaharap sa mga kaso.
Pero, tikom ang bibig ng mga reporter dito. Noon nga, pinag-aagawan ng mga reporter na maging beat nila ang immigration. Sa huling insidente, inginunguso ang dating heneral sa katiwalian sa BI. Dapat huwag nang hirangin ang retiradong mga opisyal ng militar at pulisya sa BI.
Sinabi ni Carlo Caparas na nahagip siya sa “political crossfire” nang ipawalang bisa ng Supreme Court ang pagkakahirang sa kanya bilang National Artist. Kawawa naman si Caparas. Wala siyang kasalanan dito. Para hindi na maulit ang kahihiyang ito dapat rebisahin ang regulasyon sa paggawad at paghirang sa National Artist. Alisin na rin sa pangulo ang kapangyarihan na maghirang ng National Artist, para hindi rin ito mapahiya kapag pinalitan ng kalaban.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, bumuli ako ng motorsiklo nong Jan. 2012 pa at cash ito. Pero, hanggang ngayon ay wala pang plaka ang motor ko.
Ang ibinigay lamang ng Land Transportation Office dito sa Molave, Zamboanga de Sur ay template (temporary plate) lang at hindi ito ang para sa motor ko. …7495 (lahat ng bumili ng bagong motor ay wala pang plaka.-ed)
Ako po si Tess, 45, ng Makati. Panawagan kay Makati Mayor Junjun Binay. Palitan mo na ang opisyal ng pulisya na nananakit at makahayop ang trato sa kanyang mga tauhan. …3623