NAKAPANLALABO ng mata ang paninigarilyo, ayon sa bagong pag-aa-ral ng mga dalubhasa sa Estados Unidos at Brazil.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Rutgers University Behavioral Health Care, United States, at Perception, Neuroscience and Behavior Laboratory, Brazil, nakakaapekto umano ang paninigarilyo ng 20 stick o higit pa sa isang araw sa paningin ng isang tao.
Pinag-aralan ang 71 lumahok na hindi lumagpas sa 15 stick ang nasigarilyo sa kanilang buong buhay at 63 na mahigit sa 20 stick ang nauubos sa isang araw.
Ang mga participants ay edad 25-45 at mayroong normal o corrected-to-normal vision.
Ang mga kalahok ay pinaupo ng may 59 pulgada ang layo sa 19-pulgadang cathode-ray tube monitor na ginagamit upang malaman ang pagkakaiba ng pagtanggap ng mata sa contrast level.
Ayon sa resulta, ang mga naninigarilyo ng 20 sticks o higit pa sa isang araw ay nababawasan ang kakayanan na makita ang kaibahan ng contrast at kulay ng isang bagay kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
Mayroon din umanong pagpapalabo sa kanilang red-green at blue-yellow color vision.
Iniugnay ang neurotoxic chemical ng siga-rilyo sa panlalabo ng mata.
Ayon kay Steve Silverstein, co-author ng pag-aaral, ang mga kemikal sa sigarilyo ay nakakaapekto sa utak partikular sa frontal lobe na may kaugnayan sa paggalaw, pag-iisip at paningin.