BURADO na ang isa sa dalawang nalalabing national sprint record ng dating Philippine national team trackster Lydia De Vega-Mercado.
Binura ni Zion Corrales-Nelson ang 200-meter Philippine record na hawak ni De Vega sa ginaganap na mga heat ng 2019 NCAA West preliminary track and field meet sa Sacramento, California, USA.
Ang 20-anyos na si Corrales-Nelson, na naglalaro para sa University of California, Berkeley, ay nagtala ng oras na 23.18 segundo para malagpasan ang 23.35 segundong record ni De Vega na naitala niya 33 taon na ang nakalipas sa Walnut, California, USA. Ang meet result ay nagpamalas ng wind speed na 1.5 meters per second, na mababa sa 2 meter per second limit.
Nahigitan din ni Corrales-Nelson ang Southeast Asian Games record na 23.30 segundo na naitala ni Supavadee Khawpeag ng Thailand sa 2001 Kuala Lumpur edition at nangangahulugan ito na gold-medal contender siya sa gaganaping 2019 SEA Games sa bansa.
Samantala, hindi pa nasesertipikahan ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) ang naitalang record ni Corrales-Nelson, na kamag-anak ng dating Asian Games 100m record holder na si Rogelio Onofre.
Ang 100m national mark na 11.28 segundo na naitala noong 1987 SEA Games sa Jakarta, Indonesia ang nalalabing record na hawak ni De Vega, na hinangaan ng mga Pinoy matapos magwagi sa century dash sa 1982 at 1986 Asian Games.
Ang bagong record ni Corrales-Nelson ay naghatid sa kanya sa quarterfinals ng naturang NCAA meet.
Noong 2017 ay nagtala si Corrales-Nelson ng national mark na 44.81 segundo kasama ang magkapatid na sina Kayla at Kyla Richardson at Eloisa Luzon sa 4×100 meter relay ng SEA Games kung saan nag-uwi sila ng tanso