INATASAN ng Palasyo ang lahat ng opisyal ng gobyerno na iwasan ang opisyal na biyahe at pakikipagtransaksyon sa Canada sa harap naman ng patuloy na pagkabigo ng huli na iuwi ang basura nito.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nagpalabas ng memorandum si Executive Secretary Salvador Medialdea kaugnay ng kautusan.
“We confirm that Executive Secretary Salvador C. Medialdea issued a memorandum dated 20 May 2019, directing all department secretaries and heads of agencies, government-owned and controlled corporations and government financial institutions to refrain from issuing travel authorities for official trips to Canada,” sabi ni Panelo.
Ito’y sa harap naman ng pagkabigo ng Canada na tuparin ang naunang ibinigay na ultimatum para maialis ang mga basurang itinapon sa bansa.
“The aforesaid memo likewise directed heads of government agencies to reduce official interaction with representatives of the Canadian government,” ayon pa kay Panelo.
Ipinag-utos na ni Pangulong Duterte na kumuha ng pribadong kumpanya para sa pagpapabalik ng basura sa Canada na sagot na ng Pilipinas.
“We maintain that these directives are consistent with our stance on the diminished diplomatic relations with Canada starting with the recall of our Ambassador and Consul-General in that country in light of Canada’s failure to retrieve its containers of garbage unlawfully shipped to the Philippines,” sabi pa ni Panelo.