Scholarship sa SHS sinimulan na

SIMULA na ngayon (Linggo) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa scholarship na ibinibigay ng Department of Education sa mga papasok ng Senior High School.

Ang SHS Voucher Program ay para sa mga senior high school student na nangangailangan ng tulong pinansyal upang makapasok sa pribadong paaralan, state universities and colleges at local universities and colleges.

Maaaring mag-apply ng voucher ang mga nagtapos sa pribadong high school na hindi kasali sa Education Service Contracting–ang scholarship na ibinibigay ng DepEd sa junior high school.

Ang aplikasyon ay hanggang Mayo 31 para sa mga magpapadala sa pamamagitan ng koreo, at hanggang Hunyo 2 para sa online application.

Para sa manual application kailangang magsumite ng Voucher Application Form (VAF-1) kasama ang iba pang requirement sa PEAC National Secretariat sa 5th floor, Salamin Building, 197 Salcedo st., Makati City.

Ang mga online applicant naman ay kailangang gumawa ng kanilang account sa Online Voucher Application Portal (vac.peac.org.ph) hanggang sa Mayo 31. Ang kanilang aplikasyon at requirement ay maaaring isumite hanggang Hunyo 2.

Hindi na tatanggap ang ahensya ng late applicants.

Read more...