Parehong galing sa ABS-CBN sina Willie Revillame at Kris Aquino. Napakalaki ng nagawa ng network sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Du’n hinulma ang kanilang career, sumikat sila at yumaman, hanggang sa isang araw ay nawala na sila sa istasyon.
Hindi sila manhid, may nasasaktang damdamin sina Willie at Kris, nang mawala sila sa pinakamalaking network ay kasinungalingang masasabi kung hindi nila ikinalungkot ang senaryo.
Mahirap maghanap ng bagong network, kung mahirap na ang pagsisimula ay mas mahirap ang pagbabalik, sinuwerteng nakakita ng bagong tahanan si Willie sa TV5 at kalaunan ay sa GMA 7.
Pero si Kris Aquino ay hindi kinampihan ng kapalaran, hanggang ngayon ay wala pa rin siyang natatagpuang network na aangkin sa kanya, kaya nagkakasya na lang si Kris sa mga digital shows na ginagawa niya.
Pareho naming nakakausap nang seryosohan sina Willie at Kris. Nakapagkukuwentuhan kami tungkol sa halos lahat ng paksa sa mundo. Pero kahit minsan ay hindi namin sila naringgan ng anumang salita laban sa ABS-CBN.
Hindi namin kailanman narinig na sana’y magsarado na ang network na nakapanakit ng kanilang damdamin, milya-milya ang pagkakaiba nila sa ipiniprito nang tustado ngayon sa social media na si Jimmy Bondoc, na inaabangan na ang pagsasarado-pagkamatay ng ABS-CBN.
Simple lang ang argumentong ito. Naghahanap tayo ng trabaho para sa ating kapwa at hindi tayo maligayang makakita ng mga kababayan nating nagdarahop ang pamilya dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.
Mas makapal pa sa sangkalan ang pagmumukha ng Jimmy Bondoc na ito.