Expected na ni Bayani Agbayani ang pagre-resign ni Ai Ai delas Alas bilang manager ng Ex-Battalion bago pa man nag-announce sa media ang Comedy Queen. Naibuhos na sa kanya ni Ai Ai ang saloobin nito sa dating inaalagang grupo.
Napag-usapan na raw nila ni Ai Ai na iiwan na niya ang Ex-Battalion, “E, si Ai Ai parang karugtong na ng bituka ko ‘yun, e. Hindi pa ako artista natutulog na ako sa bahay niya noon kasama ko pa si LenLen (his wife). Girlfriend ko pa lang si Lenlen noon,” pagre-reminisce pa ni Bayani.
May bagong pelikula kasi si Bayani at kapartner niya sa movie si Ai Ai, ang “Fillenials” sa direksyon ni Retchie del Carmen na ipalalabas na sa June 17. Nagsimula ang friendship nina Bayani at Ai Ai nu’ng Salu-Salo Together days pa nila.
“Writer kasi ako ng Salu-Salo Together before. Tapos isa siya sa mga guest. Nagla-Lunch Date pa lang sila nagti-trainee na ako doon. Tapos naging kaibigan ko si Miguel Vera kasi mahilig sa baskletball. Sila na noon ni Miguel. Tapos umuuwi-uwi na kami sa bahay ni Ai Ai,” aniya pa.
Malapit ding kaibigan ni Bayani ang komedyanteng si Vhong Navarro na muli niyang makakatrabaho sa bagong reformat na sitcom sa ABS-CBN, ang Home Sweetie Home: Extra Sweet with Toni Gonzaga.
“Matagal kaming hindi nagkatrabaho ulit ni Vhong. Pero alam mo kami ni Vhong, even nasa ibang channel na ako saka nandito siya, kapag may mga problema at mga okasyon nagkikita kami. Nu’ng naospital siya, pinuntahan ko siya sa ospital. Hindi itong latest, ha. Nu’ng na-hepa siya. Ganu’n lagi kaming magkakaibigan,” lahad ni Bayani.
Masaya naman daw ang pagtatrabaho nilang muli ni Vhong sa Home Sweetie Home: Extra Sweet.
“Saka iba na kami magkatrabaho ngayon. Nagbubulungan na kami kung ano ‘yung kulang, kung ano ‘yung idadagdag. Nagbibigay na kami ng ideya sa bawat isa. Sasabihin niya sa akin, ‘Ano, okey ba itong gagawin natin? Sige, ibato natin,’ ganu’n kami. Kasi dati kanya-kanya. Ngayon, hindi. Kailangan mag-shine tayo lahat,” lahad pa ng comedian.
Thankful si Bayani dahil kahit nawala ang sitcom nila ni Karla Estrada sa Cinemo na Funny ka Pare Ko ay napasama ulit siya sa comedy show ng ABS-CBN.
“Matagal na rin naman ‘yung Funny Ka, Pare Ko. Awa naman ng Diyos hindi ako nanganay. Siguro dahil du’n sa parang sitcom din na I Can Hear Your Voice. Sa pagkakaalam ko kaya ako napasama sa Home Sweetie Home, may nag-recommend sa akin,” ayon pa kay Bayani.
Bukod sa kanila ni Vhong makakasama rin sa sitcom sina Luis Manzano, Rio Locsin, Edgar Mortiz, at ang dalawang PBB housemates na sina Famiya and YamYam.
And speaking of Luis, may plano pala sila ni Bayani na mag-produce ng pelikula.
“Hindi pa kami nag-uumpisa ni Luis. Pero sana matuloy, ‘yung ‘Aswang Ang Nanay Ko.’ Ginagawa na namin ‘yung script. Tuluy na tuloy na, and hopefully, pumasok sa Metro Manila Film Festival. Nagpasok na kami ng letter of intent to join,” aniya pa.