KUMAMBYO ang nagpakilala na “Bikoy” na naunang naglabas ng mga video ng “Ang Totoong Narcolist” at nagdawit sa droga sa pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte.
Sa isang press conference, sinabi ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na gawa-gawa lamang ang kanyang mga alegasyon.
“Ang lahat ng nangyari sa ‘Ang Totoong Narcolist’ video episode 1 to video episode 5, ‘yong nirecord ko no’ng nasa isang kumbento ako, lahat ‘yon pawang scripted, lahat ‘yon pawang kasinungalingan,” sabi ni Bikoy, na nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Bikoy na layunin lamang ng mga video na siraan ang mga kandidato ng administrasyon, kabilan na si Special Assistant to the President (SAP) and now senator-elect Christopher “Bong” Go.
Inakusahan niya ang mga miyembro ng Liberal Party (LP), kabilang sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Leila de Lima, at Sen. Antonio Trillanes IV na siyang nasa likod ng paglalabas ng mga video.
“Kasinungalingan kasi may plano ‘yong kabilang kampo, ‘yong kabilang kampo magpaputok ng issue para ma-divert ‘yong attention ng tao, papataas nang papataas ang ratings ng administration candidate samantalang walang pumapasok particularly sa Otso Diretso candidate,” ayon pa kay Bikoy.
“At ito nga ‘yong paputok nong kay Bikoy, para ma-discredit si Senator-elect Bong Go […] hindi totoo ‘yon, walang katotothana lahat lahat ‘yon, at ‘yon pawang orchestrated lamang ng mga nasa-kabilang party which is the Liberal Party under the handling of Senator Antonio Trillanes IV,” sabi pa ni Advincula.
Sinabi pa ni Advincula na lumabas siya dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay matapos umanong matalo ang buong Otso Diretso sa 2019 midterm elections.
“Hindi ko ho kaya na panindigan ‘yong mga scripted lang ng kwento na ngayong talo na ‘yong mga kandidato nila nararamdaman ko unti-unti na akong nilalaglag, at ang kinakatakutan ko ay baka sila pa ang mag-eliminate sa akin kalaunan dahil wala na akong silbi,” ayon pa kay Advincula.