PERSONAL na nagtungo kaninang umaga ang TV host-comedienne na si Alex Gonzaga sa opisina ni Parañaque Mayor Olivarez Edwin Olivarez para mag-sorry.
Ito’y may kaugnayan pa rin sa hindi magandang nasabi ni Alex patungkol kay Mayor Olivarez sa isang campaign rally na kanyang pinuntahan.
Sa Facebook live ni Weng Jalmasco Santos ay makikita ang paghaharap ng alkalde at ni Alex. Naging maayos naman ang kanilang pag-uusap at nagkakatawanan pa sa ilang bahagi ng video.
Ayon daw sa mayor ng Parañaque, naiintindihan daw niyang bahagi lamang ng pulitika ang nangyari at handa na niyang kalimutan ang nangyari para makapag-move on na ang lahat.
Nabatid na ang naging tulay sa paghaharap ng dalawa ay si Jenny Quizon, asawa ni Councilor Vandolph Quizon at barangay captain ng Tambo, Parañaque.
Kinausap daw ng kampo ni Alex si Jenny para personal ngang humingi ng paumanhin sa alkalde. Ito’y matapos ngang mabalita na balak ideklarang Persona Non Grata sa Parañaque ang kapatid ni Toni Gonzaga.
Base sa mga naglabasang litrato sa social media, bukod kay Jenny, kasama rin ni Alex na dumalaw sa opisina ni Mayor Olivarez ang boyfriend nitong si Mikee Morada.