NANAWAGAN ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa has Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-ban ang pag-ere ng kanta ng rapper na si Shanti Dope na ‘Amatz’ dahil sa lyrics nito na umano’y nagsusulong sa paggamit ng marijuana.
Sa isang pahayag, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na nagpadala na siya ng sulat sa has MTRCB, Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), at ABS-CBN Corporation para mapigilan ang promosyon ng kanta na umano’y kontra sa kampanya ng gobyerno kontra droga.
“It appears that the singer was referring to the high effect of marijuana, being in its natural/organic state and not altered by any chemical compound,” sabi ni Aquino.
“This runs contrary to Duterte’s administration crusade against illegal drugs,” ayon pa kay Aquino.
Tinutukoy ni Aquino ang lyrics ng kanta na “Lakas ng amats ko, sobrang natural, walang halong kemikal.”
Idinagdag ni Aquino na “double meaning” din ang ilang bahagi ng kanta katulad ng:
“Ito hinangad ko; lipadin ay mataas pa sa kayang ipadama sayo ng gramo, di bale ng musika ikamatay.”
Kinlaro ni Aquino na nirerespeto niya ang mga artist, bagamat dapat ay magtakda ng hangganan.
“We respect and appreciate our artists in the music industry, however, we strongly oppose the promotion of musical pieces or songs that encourage the recreational use of drugs like marijuana and shabu,” paliwanag ni Aquino.