5 minasaker sa drug den

LIMANG katao ang natagpuang patay sa isa umanong drug den sa San Jose del Monte City, Bulacan, Huwebes ng umaga, matapos pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin.

Kabilang sa mga nasawi si Juliet Fernandez, ang umano’y maintainer ng drug den; kasabwat niyang si Norberto Oden, 63; Manuelito Bergonio, 35, may kasong carnapping; at isang alyas “Mel Diezel,” na nasa drug watchlist ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency, ayon kay Col. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikalimang nasawi.

Natagpuan ang mga bangkay sa isang bahay sa Brgy. San Pedro.

Natagpuan sa pinangyarihan ang 10 basyo ng kalibre-.45 pistola, anim na basyo ng kalibre-.40 baril, dalawang kal.-45 bala, at anim na slug.

Nakatagpo rin doon ng isang malaking pakete na may pitong sachet ng hinihinalang shabu.

Sa inisyal na panayam ng pulisya, sinabi ng mga kaanak at kapitbahay na ang mga biktima’y pawang mga sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Sinisilip ng mga imbestigador ang posibilidad na onsehan sa droga ang pinag-ugatan ng pagpatay.

Nagsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya habang isinusulat ang istoryang ito. 

Read more...