Kotse na nang-araro sa Maynila, karnap

LUMALABAS na karnap ang inabandonang Toyota Vios na sangkot sa pag-araro sa napakaraming sasakyan at nag-iwan pa ng dalawang sugatan sa JP Laurel st. at Muelle de Sampaloc sa Maynila kahapon.

Ayon kay Capt. Jaime Gonzales, hepe ng vehicular accident investigation unit ng Manila Traffic, ang Toyota Vios ay may plaka na UKE 450 ay pagmamay-ari ng isang doktor.

Aniya, nakarnap ang nasabing sasakyan noong Abril 22 sa Cavite habang minamaneho bilang Grab car ng kapatid ng doktor. Nawala na rin ang kapatid ng doktor mula noon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, may isa pang pagkakataon na ipinagamit ng suspek ang sasakyan sa isa pang driver. Simula noon ay nawala na rin ang nasabing driver.

May nakuha ang mga pulis sa sasakyan na dalawang pares ng plaka ng sasakyan at mga bala.

Read more...