GINUNITA noong Mayo 17 ang World Hypertension Day na naglalayong paigtingin ang kaalaman ng publiko hinggil sa hypertension, na mas kilala sa high blood pressure.
Iniuugnay ang hypertension sa maraming sakit gaya ng heart attack at stroke, kaya nga narito ang ilang paraan para mapigilan at makontrol ang hypertension.
1. Kumain ng yogurt
Base sa pag-aaral na inilimbag sa American Journal of Hypertension (AJH), sinasabing nakakatulong ang pagdaragdag ng yogurt sa diet para sa mga may high blood pressure.
Base sa isinagawang pag-aaral sa mahigit 55,000 babae at mahigit 18,000 lalaki, na pawang may high blood pressure, bumaba ng 30 porsiyento ang posibilidad ng heart attack sa mga babaeng kumakain ng mahigit dalawang serving ng yogurt kada linggo at 19 porsiyento naman para s mga lalaki.
Bumaba rin ng 17 porsiyento ang posibilidad na magkaroon ng mayor coronary heart disease o stroke ang mga babae samantalang 21 porsiyento naman sa mga lalaki.
2. Benepisyo ng breastfeeding
Sa isa namang pag-aaral sa South Korea, sinasabing mababa ang posibilidad na magkaroon ng high blood pressure ang mga menopausal women kung sila ay nagpa-breastfeed.
Matapos pag-aaralan ang 3,119 postmenopausal women, na pawang hindi naninigarilyo, lumalabas na bumaba ng 10 porsiyento ang pagkakaroon ng high blood pressure kada isang bata na na-breastfeed at apat na porsiyento kada taon ng haba ng breastfeeding.
Hindi naman malakas ang benepisyo ng breastfeeding sa mga obese na babae.
3. Mag-relax sa sauna
Ang pinakamadaling paraan para maayos ang blood pressure ay ang regular na pagpunta sa sauna, ayon sa pananaliksik sa University of Eastern Finland.
Sa isinagawang pag-aaral sa 1,621 lalaki na may edad 42 hanggang 60, na diskubre na bumaba ng 24 porsiyento ang posibilidad na magkaroon ng hypertension sa mga lalaking pumupunta sa sauna ng dalawang beses hanggang tatlong beses isang linggo, kumpara sa mga nagtutungo rito ng isang beses lamang kada linggo.
Bumababa naman ng 46 porsiyento ang pagiging lantad sa hypertension para sa mga nagsa-sauna ng apat hanggang pitong beses isang linggo.
4. Hindi dapat well-done ang inyong karne
Lantad sa high blood pressure ang sinoman kung lutong-luto ang karne at isda na kinakain.
Isinagawa ang pag-aaral sa 86,507 babae at 17,104 lalaki.
Nalaman sa pag-aaral na tumataas ng 17 porsiyento ang posibilidad na magkaroon ng high blood pressure para sa mga nagluluto ng karne at isda gamit ang grilling, broiling o roasting ng 15 beses kada buwan kumpara sa mga a-pat na beses lamang sa isang buwan.
Tumataas din ng 15 porsiyento ang posibilidad na magkaroon ng hypertension sa mga nagluluto ng well-done.