TINANGHAL na kampeon si Carlo Biado ng La Union Hard Times 10-Ball Open na nagtapos nitong Lunes sa Los Angeles, California, USA.
Tinambakan ni Biado, na naglalaro sa ilalim ng Bugsy International Promotions, ang kapwa Pilipino na si Alex Pagulayan sa finals, 11-1, para matumbok ang titulo.
Dahil sa panalo ay naibulsa ni Biado ang $5,300 premyo habang nakuntento naman sa $3,200 cash prize si Pagulayan na nagkampeon dito noong 2011.
Natuwa naman ang handler ni Biado na si Ceferino “Perry” Mariano ng Bugsy International Promotions. “I believe that Carlo has a good chance of becoming a world champion,” sabi ni Mariano patungkol sa manlalaro niyang dating caddie sa golf.
“It’s just a matter of time.”
Noong isang taon, ang torneo ay pinagharian ni Dennis Orcullo na isa ring miyembro ng Bugsy stable. Nagtapos lamang sa pangatlong puwesto si Orcullo nitong Lunes.
Ito ang ikaapat na diretsong taon na Pilipino ang nanalo sa torneong ito. Inumpisahan ito ni Lee Vann Corteza ng Davao City na nagwagi rito noong 2010.