UE, FEU namayagpag

Mga Laro sa Sabado
(SM MOA Arena)
2 p.m. UE vs La Salle
4 p.m. NU vs Adamson
Team Standings: FEU (5-0); UST (3-1); NU
(3-2); Adamson (2-2); La Salle (2-2); UE (2-3);
Ateneo (1-4); UP (0-4)

SINAGIP ni Terrence Romeo ang sana’y pagkulapso ng Far Eastern University sa kinuhang 87-83 panalo sa National University habang bumangon ang University of the East mula sa dalawang dikit na pagkatalo nang pataubin ang Ateneo de Manila University, 72-68, sa 76th UAAP men’s basketball kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumapos si Romeo taglay ang 24 puntos, kasama ang 6-of-10 shooting sa 3-point line, pero ang dalawang buslo sa 15-foot line sa huling 5.5 segundo ang nagtiyak ng ikalimang sunod na panalo para sa tropa ni FEU coach Nash Racela.

Umabante ng 20 puntos ang Tamaraws, 68-48, sa pagtatapos ng ikatlong yugto at kampante pang nasa una sa 81-62, nang magtulung-tulong sina Emmanuel Mbe, Bobby Parks Jr. at Robin Rono sa 21-4 palitan upang makapanakot sa 83-85.

“Sabi nga nila, its how you finish that matters. Maganda ang simula namin pero masama ang tapos. Marami kaming matututunan sa larong ito,” wika ni Racela sa koponan na tumapos taglay ang 15 tres na pinakamarami mula 2003.

Si Mbe ay mayroong 27 puntos, 17 rebounds at dalawang blocks, habang si Parks ay naghatid ng 26 puntos at walong boards para sa Bulldogs pero mayroon lamang silang walong assists upang bumaba sa ikatlong puwesto sa team standings sa 3-2 baraha.

Humablot ng UAAP record-tying 23 rebounds si Charles Mammie upang isama sa 20 puntos at ang Warriors ay kumubra ng ikalawang panalo sa limang laro sa pananaig sa Blue Eagles.

Ang offensive rebound niya na nagresulta sa dalawang free throws ang nagtala sa apat na puntos na kalamangan para matiyak ang panalo ng Red Warriors. Si Jervy Cruz ang may hawak ng record sa rebounds noong 2003 habang naglalaro sa UST.

Read more...