NASAWI ang isang abogado ng kompanyang nagpapatakbo ng “Peryahan ng Bayan” nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa tapat ng Justice Hall ng Dagupan City, Pangasinan, Biyernes ng umaga.
Dead on arrival sa ospital si Atty. Val Crisostomo, abogado ng Globaltech Mobile Online Corp., dahil sa mga tama ng bala, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Nagaanap ang insidente sa tapat ng Justice Hall, na nasa Brgy. Bonuan Gueset, dakong alas-9:15.
Katatapos lang ni Crisostomo na dumalo sa isang pagdinig sa korte, at nakatayo sa tapat ng gusali nang lapitan at pagbabarilin ng isang lalaking naka-itim na jacket at asul na helmet, ayon sa ulat.
Kasunod noo’y tumakas ang gunman sakay ng pulang motorsiklo, na minaneho ng isa pang lalaki patungo sa direksyon ng Brgy. Binloc.
Itinakbo si Crisostomo sa Region 1 Medical Center ngunit di na umabot nang buhay.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin.
Ang Globaltech ay dating inawtorisa ng Philippine Charity Sweepstakes Office na magpatakbo ng “Peryahan ng Bayan,” isang uri ng numbers game na kapareho ng small-town lottery.
Winakasan ng ahensiya ang kontrata noong 2016, pero patuloy na nag-ooperate ang kompanya matapos umapela sa korte.
Sa tala naman ng lokal na pulisya, napag-alaman na si Crisostomo ay may hawak na isang kaso ng iligal na droga at tatlong kaso ng illegal gambling.