WALO katao ang nasawi at di bababa sa 13 pa ang nasugatan nang magsalpukan ang pampasaherong van at isang trak, sa Babatngon, Leyte, Biyernes ng umaga.
Dead on the spot ang walo sa mga pasahero ng van, base sa deklarasyon ng municipal health officer, sabi ni Lt. Col. Ma. Bella Rentuaya, tagapagslita ng Eastern Visayas regional police.
Sugatan ang van driver na si Rodel Ecat at 11 niya pang pasahero, pati ang truck driver na si Wenwen De Leon at kanyang pahinante.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Sitio Tab-ang, Brgy. District III, dakong alas-6:15.
Minamaneho ni Ecat ang van na may markang “Omerah” (plate no. 0884403) mula Babatngon patungong Tacloban City, nang makasalpukan nito ang 6-wheeler truck (LEF-758) na dala ni De Leon.
Dinala ang mga sugatan sa ospital sa Tacloban City, habang inaalam ng lokal na pulisya ang sanhi ng insidente at pagkakakilanlan ng iba pang biktima.