NASAWI ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos mabuwal dahil umano sa heatsroke, habang dumadalo sa pagsasanay.
Binawian ng buhay si Cadet 4th class Al-Rasheed Pendatun Macadato, 21, residente ng Kalilangan, Bukidnon, sa ospital nitong Miyerkules ng umaga, ayon kay Brig. Gen. Jose Chiquito Malayo, direktor ng PNPA.
Nabuwal si Macadato habang dumadalo sa road run ng mga kadete, dakong alas-4:45 ng hapon Martes.
Agad siyang sinundo ng ambulansya at dinala sa PNPA Medical Dispensary, bago nilipat sa QualiMed Hospital ng Sta. Rosa City, Laguna, kung saan siya binwian ng buhay, ani Malayo.
Iginiit ni Malayo na di nag-ugat sa hazing ang insidente, at ito’y pinatunayan ng mga doktor.
Ayon sa opisyal, bago ang insidente’y halos 10 araw nang dumadalo si Macadato sa New Cadet Summer Training Program.
“The training package being used is the same as that of previous years, following a progressive or increasing timeline in runs, push-ups, and pull-ups. The other factor affecting the training now is hot weather,” sabi ni Malayo sa isang kalatas.
Ayon sa pinuno ng PNPA, nire-require ng mga training leader ang mga bagong kadete na uminom ng 12 hanggang 14 baso, o higit pa, ng tubig para maibsan ang epekto ng init na dulot ng El Nino Phenomenon.
Tiniyak ni Malayo sa pamilya ni Macadato na ibibigay sa kanila lahat ng naangkop na tulong, at may isinasagawang malalim na “inquiry” sa insidente upang malaman kung may lapses o pagkukulang.