OFWs patuloy na ginagamit ng ilang partylist groups

ISANG malaking sektor ang ating mga OFW na nangangailangan ng kakatawan sa kanilang hanay.

Sa ating bansa, nagiging posible ito sa pamamagitan ng tinatawag na partylist system na siyang nagtatalaga ng kanilang mga nominado upang makakuha ng isa, dalawang hanggang tatlong upuan sa Kongreso.

Kaya naman kapag dumarating ang panahon ng halalan, may mga binubuong grupo at itatakbo nila iyon sa ilalim ng partylist system.

Kaya lang ang malungkot diyan, gagamit sila ng mga pangalang may kinalaman sa ating mga OFW, landbased o seabased man, para makuha nila ang atensiyon ng ating mga OFW at kamag-anak ng mga ito.

Pero kung susuriing mabuti at bubusisiin, walang kinalaman o anumang kuneksyon ang kanilang mga
nominado sa kanilang kinakatawan.

May mga pangalang tunog na tunog pang OFW, pero ang mga taong nasa likod noon, kung iisa-isahin, walang kinalaman o anumang kunek sa ating mga OFW.

Marami nga ang nagsasabing ginagamit lamang ang partylist upang makaupo sa puwesto ang mga kaanak ng mga pulitiko. O di kaya naman, kung may pera naman ang isa, mangangako siyang susuportahan ang kampanya ng isang partylist at ipapalagay ang sarilli bilang no. 1 nominee.
Sa totoo lang kasi, hindi naman kalakihang boto ang kinakailangan at tiyak na magiging kongresista siya ng walang kahirap-hirap.

Sentimyento nga ng mga OFW na huwag naman sana silang gamitin ng mga mapagsamantalang indibidwal para sa kanilang sariling mga interes.

Kapag may kailangan sila sa ating mga OFW, kahit pa sa abroad, talagang bumibiyahe at sinasadya pa nila ang ating mga ito upang makapangampanya lamang at makuha ang kanilang boto.

Hihimukin pa nilang kumbinsihin ang kanilang mga kaanak sa Pilipinas na sila ang partylist na dapat nilang ilagay sa balota, dahil sila anya ang kumakatawan sa ating mga manggagawa sa abroad. At dahil isa lang din ang partylist na dapat nilang iboto.

Bakit nga ba nagpapatuloy ang ganitong sistema? Hanggang kailan gagamitin ang ating mga OFW kung dumarating ang mga panahong ito.

Tiyak naman na magpapatuloy ito hanggang may pumapayag na magpagamit at manggamit.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...