NANALO pero hindi masyadong happy ang isang bagong mayor sa isang lungsod sa Central Luzon.
Bukod sa malaking gastos sa pagbili ng boto na ang tawag niya ay “pondo para sa mga nangangailangan” ay kakaunti lang ang kanyang lamang sa nakaharap na bagitong kandidato.
May katwiran na sumama ang loob ng ating bida dahil kundi sa tulong ng ilang religious group ay malamang na sa kangkungan siya pinulot dahil higit lamang sa 4,000 ang nailamang niyang boto.
Ang kanyang nakalaban sa halalan ay isang batang kandidato.
Ni wala itong partido pulitikal, walang malawak na makinarya at lalong hindi kasing yaman ng ating bida.
Pero sa kabila nito ay sinuportahan siya ng mga mamamayan sa kanilang lungsod na umay na umay na sa pamamahala ng pamilya ng ating tinutukoy na nanalong mayor.
Sinabi ng aking Cricket na marahil ay nagsawa na sa political dynasty ang kanyang mga kababayan kaya naghahanap naman sila ng bagong mukha na nakakaintindi sa tunay na sitwasyon ng mga mahihirap sa kanilang lungsod.
Akala siguro ng ating bida ay matutumbasan niya ng salapi ang mga kalaban sa pulitika.
Ito kasi ang ginawa nila sa mga nakalipas na halalan kaya nakuha nila ang suporta lalo na ng city council at mga barangay officials sa kanilang mahal na lungsod.
Dati na ring nahalal sa isang mataas na posisyon sa pamahalaan ang bagong alkalde pero dahil sa term limit kaya nagpasya itong kumandidato na lamang sa pagka-alkalde kung saan ay nakapalitan lamang niya ng pwesto ang isang taong malapit na malapit sa kanya.
Hindi na natin kailangan ang dagdag na clue dahil sikat ito sa bilihan ng boto na ilang beses na rin nating naisulat sa column na ito.
Ang bida sa kwento nating ngayong araw ay si Mayor L…as in Lagay.