Napakaliwanag ng buong bakuran ng Casa Grande nu’ng Lunes nang gabi. Nagbubunyi ang lahat ng mga nandu’n dahil landslide ang pananalo ni Mayor Enrico Roque at ng kanyang vice-mayor na si Lui Sebastian at ng kanilang mga konsehal.
Pagtataas na lang ng kanilang mga kamay ng COMELEC ang hinihintay nu’ng mga oras na ‘yun dahil sa kasaysayan ng pulitika ng Pandi, Bulacan ay ngayon lang may nakapagtala nang ganu’ng kalaking kalamangan sa katunggali.
Sabi ni Mayor Enrico nang tumawag sa amin bandang gabi na, “Nanay, nasaan po kayo? Hinahanap po kayo ng mga kasamahan natin. Maraming salamat po sa matinding suporta, margin na lang po ng grupo sa kalaban ang hinihintay namin ngayon.”
Nawalan ng saysay ang mga paninirang ibinato kay Mayor Enrico ng kanyang mga kalaban, hindi pinakinggan ng mga Pandienos ang mga pinalutang na bintang ng tropa ng pulahan, nanaig pa rin ang kung sino ang mahal at gustong mamuno sa kanilang bayan ng mga nasasakupan ni Mayor Enrico.
“Hindi pa po ako kumakain. Tikim-tikim lang. Hanggang hindi po natatapos ang proklamasyon, palagay ko, e, hindi pa rin ako makakaramdam ng gutom,” nakangiting komento ng matagumpay na negosyante-pulitiko.
Nakarating na kaya kay Phillip Salvador ang tagumpay ng nagturing sa kanyang parang kapatid na pero iniwan nito sa gitna ng laban?
May mukha pa kayang ihaharap ang aktor sa mga taga-Pandi?