Kilalang sexy star napilitang magbenta ng branded bag, sapatos; matumal ang raket

PINAGPIPISTAHAN ang kuwentong nagbebenta na ngayon ng mga branded niyang kagamitan ang isang pamosong female personality.

Nu’ng kasagsagan ng popularidad ng babaeng personalidad ay parang naging dibersiyon na niya ang pagbili ng mga branded products, lalo na ng mga bags, kaya dumami ‘yun nang dumami.

Pero hindi nga sa lahat ng panahon ay maningning ang kinang ng bituin ng isang artista, hindi rin napipigil ang kanilang pagkakaedad, kaya ang seksing katawan ay dumodoble at ang kagandahan ay kumukupas.

Kuwento ng isang source na may malalim na alam tungkol sa seksing personalidad, “Aanhin niya naman ang mga branded stuff niya kung ganyan na hindi na kasinglakas nu’ng dati ang mga raket niya?

“Paminsan-minsan na lang ang work niya ngayon, hindi na siya tulad nang dati na halos walang tulog at pahinga, namimili na rin siya ng role ngayon dahil nagkakaedad na siya!

“Tama lang ang sinasabi ng mga kaibigan niya na hindi niya naman maisisigang ang mga branded bags niya kapag nagutom siya! Hindi rin niya maipiprito ang mga shoes niya, di ba?

“So, nagbebenta na siya ng mga branded stuff niya ngayon, grabe sa dami ang mga naipon niyang kagamitan, sobrang dami talaga!” umpisang chika ng aming impormante.

May mga nagkokomento naman na okey lang kung ibenta niya ang mga milyon ang halagang bags niya dahil hindi naman kuno ‘yun mula sa kanyang pagpapawis at pagpupuyat. Milagro kuno ang pinagdaanan ng mga kagamitang ‘yun.

“Di ba, nagtatanungan ang mga traders na kinukunan niya ng mga branded stuff kung bakit iba-ibang tao ang nagbabayad ng mga ino-order niya?

“At hindi lang isa kung umorder siya, maraming colors, dahil kayang-kaya niyang sundin ang luho niya nu’ng mga time na ‘yun!

“Pero ibenta man niya ngayon ang mga kagamitan niya, e, okey lang, hindi niya ‘yun panghihinayangan,” pagtatapos ng aming source.

Todo na ang kuwento, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong getlak n’yo na rin kung sino siya, Jon at Ching Bautista Silverio.

Read more...