Laro Linggo (Mayo 12)
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia
(Game 6, best-of-7 championship series)
MASUNGKIT ang ikapitong all-Filipino conference title ang pakay ng Magnolia Hotshots kontra defending champion San Miguel Beermen sa Game 6 ng 2019 PBA Philippine Cup best-of-seven championship series Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Hangad ng Hotshots na maipagpatuloy ang pagsukbit ng kampeonato sa pagtumbok ng korona ng Philippine Cup na huli nilang nahawakan noong 2013 sa kanilang alas-6:30 ng laro laban sa Beermen.
Nagawang makuha ng Magnolia ang 3-2 bentahe sa kanilang serye matapos na maibuslo ni Mark Barroca ang isang game-winning jumper sa pagtunog ng buzzer para maitakas ang 88-86 kontra Beermen sa Game 5.
Subalit determinado naman ang Beermen na makapuwersa ng winner-take-all Game 7.
Kumpiyansa kasi si San Miguel Beer coach Leo Austria na kaya ng kanyang koponan na itabla ang serye sa tig-tatlong panalo at makahirit ng do-or-die game.
Aasahang muli ni Austria sina five-time season MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at Christian Standhardinger para ihatid ang Beermen sa krusyal na panalo.
Sasandalan naman ni Magnolia coach Chito Victolero sina Barroca, Ian Sangalang, Raffy Reavis, Paul Lee at Jio Jalalon para tuluyang tapusin ang serye at iuwi ang korona.