Erik umaray sa akusasyon na ‘niraket’ lang ang pagkanta ng ‘Man and Wife’ theme song

ERIK SANTOS AT YENG CONSTANTINO

SA ilang taon nina Erik Santos at Yeng Constantino bilang talents ng Cornerstone Entertainment ay ngayon lang sila magsasama sa isang concert, ang “Extraordinary” na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila sa May 22.

Inamin ng dalawa na hindi pa raw agad pumasok sa isipan nila ang mag-collaborate dahil abala sila sa kani-kanilang projects.

“Saka hindi pa po kami ganu’n ka-close ni Erik nu’ng pumasok po ako hanggang sa tumagal at naging okay na kami. Masarap kapag nagdu-duet kami sa ASAP, kaya masaya ako na heto may collaboration na kami,” pahayag ni Yeng.

Ayon naman kay Erik, “Bilang artist, nanonood po talaga ako ng concerts ng iba’t ibang artists kapag may time. Kapag nanonood ako, alam na alam ko kung may kuneksyon sila sa isa’t isa, mararamdaman mo sila.

“Kaya importante sa akin kapag nakipag-collab ako na close ko ‘yung artist para marami kaming pag-uusapan sa music at sa spiels na rin na naturally lalabas. Kasi alam namin kung gaano namin kakilala ang isa’t isa at maipapasa namin iyon sa mga nanonood, very important sa akin ‘yung rapport and connection,” lahad ni Erik.

Mixed daw ang repertoire nina Erik at Yeng, may covers at OPM kaya maganda dahil makaka-relate ang manonood sa mga kanta nila. Ang musical director ng concert ay si Mark Lopez habang si John Prats naman ang stage director produced ng Cornerstone Concerts at Resorts World.

Kaya “Extraordinary” ang titulo ng concert ay dahil magkaiba ng genre sina Yeng at Erik pero nagawa silang pagsamahin na hindi inaasahan ng lahat.

“‘Yun nga ang nakakatuwa, hindi siya expected, everytime na mabibigyan kami ng pagkakataon ni Erik na mag-duet sa ASAP o sa shows niya, maganda ang feedbacks,” say naman ni Yeng.

Pagkatapos ng mediacon ng “Extraordinary” ay hiningan namin ng komento si Erik tungkol sa nasulat na hindi raw nagustuhan ng kompositor ang pagkakanta niya sa soundtrack ng pelikulang “Man and Wife” na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria at Gabby Concepcion sa direksyon ni Laurice Guillen.

Nang i-record ni Erik ang nasabing kanta ay iyon din ang araw na paalis siya papuntang Amerika para sa series of shows at wala sa recording studio ang sumulat ng kanta pero naroon naman ang producer nitong si Jonathan Manalo.

“Ganu’n talaga hindi naman lahat ng gagawin mo magugustuhan ng iba, ang akin lang sana hindi na lang idinaan sa social media, sana kung gusto nilang ipabago sana internally pinag-usapan,” saad ni Erik.

Nagpaliwanag din ang handler ni Erik na si Cynthia Roque dahil siya mismo ang kausap ng producer ng pelikula na si Ms. Lady (ng Cineko Productions), wala raw silang problema at sa katunayan ay gusto nila ang version ni Erik.

“When I read the article, sinabi ko sa producer if there’s an issue with the way Erik sings, gusto naman daw nila. They’re even using it sa TV ads, they’re using it, iba kasi ang opinyon ng producer at iba ang opinyon ng sumulat ng kanta.

“Kinontrata ng production outfit si Jonathan Manalo (Star Music) as producer ng kanta. Kilala naman natin ang track record ni Jonathan pagdating sa music,” sabi ni Cynthia.

“Ako bilang singer at ilang albums na rin naman ang nai-record ko, si Jonathan napakagaling na producer, ay never kaming nagpabaya sa mga inire-record namin,” katwiran pa ni Erik.

Hirit pa ni Erik, “Naano lang ako kasi ‘yung term na ginamit na #pinabayaan #niraket, never namin ‘yung ginawa kasi maraming pagkakataon may mga proyekto kaming ginagawa na hindi kami nababayaran pero ginagawa namin kasi out of passion at kung maraming magbe-benefit, why not di ba?”

“Ginawa namin ang project because of Jonathan Manalo na he vouched for it na we have a very good song, very good movie,” sabi naman ni Cynthia.

Anyway, tiyak namang magugustuhan at mae-enjoy ng mga manonood ang “Extraordinary” concert nina Erik at Yeng sa Mayo 22 sa Resorts World Manila.

Read more...