GALIT na galit at talagang napaiyak ang Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla nang malamang ikinasal pala siya sa isang Hapon noong 1992.
Ayon sa singer-actress matinding shock ang naramdaman niya nang matuklasan ang nasabing fake marriage noong inaasikaso niya ang mga dokumento para sa kasal nila ng kanyang fiancé na si Architect Conrad Onglao.
Sa panayam ng Tonight with Boy Abunda, nang magtungo siya sa Registrar’s office sa Makati City ilang buwan na ang nakararaan doon niya nalaman na may existing marriage certificate ang marriage niya sa Hapon.
“Nu’ng nakita ko talaga, sobra akong nagulat. Pagkatapos nu’n humagulhol na ako talaga. Umiyak ako,” pahayag ni Zsa Zsa.
Talagang matindi raw ang galit na na-feel niya dahil 11 years nga naman bago na-annul ang kasal niya sa ama ni Karylle na si Modesto Tatlonghari, “It took me 11 years to get my annulment with M, ano na naman ito? Bakit ganyan?”
Isa pa sa mga ikinaloka ng Divne Diva ay ang napakamahal na bayad sa process of annulment para ma-declare na null and void ang pekeng kasal niya sa Hapon na kailanman ay hindi niya nakilala.
Pinag-isipan daw muna ni Zsa Zsa nan halos tatlong buwan kung ipapa-annul pa rin niya ang fake marriage at dahil na rin sa tulong ng kanyang pamilya at ni Conrad pinawalang-bisa nga niya ang kasal.
Kuwento ng singer, kinailangang niyang patunayan sa korte na noong maganap ang pekeng kasal taong 1992 ay nasa Amerika siya kasama ang Comedy King at longtime partner niyang si Dolphy. Nakakuha rin ng ebidensya si Zsa Zsa na ang sinasabing napangasawa niyang Japanese ay wala sa Pilipinas dahil pumasok lang daw ito sa bansa noong 1997.
Abot-langit naman ang pasasalamat ni Zsa Zsa na tinanggap ng korte ang lahat ng ipinakita niyang ebidensya kaya mabilis na napawalang-bisa ang fake marriage.
“Sobra talaga yung galit ko nung umpisa. Kasi ngayon nakaka-smile na po ako e. Kasi tapos na,” aniya pa.
Tungkol naman sa kasal nila ng kanyang fiancé, “We’re still planning it in between our schedules.”