MUKHANG magkakasubukan ang Kamara de Representantes at ang Korte Suprema sa kaso ni Marinduque Rep. Regina Reyes na tumalo sa eleksyon kay dating Rep. Lord Allan Jay Velasco.
Matapos kasing manumpa itong si Reyes kay incoming speaker Feliciano Belmonte Jr., naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabi na diskuwalipikado siya.
Nagkakulay ang desisyon ng SC dahil ang pagdiskuwalipika kay Reyes ay nangangahulugan na uupo si Velasco, anak ni SC Associate Justice Prebitero Velasco.
Ang asawa ng hurado na si Lorna Velasco ay uupo rin sa Kamara bilang kinatawan ng Ang Mata’y Alagaan partylist.
Sinabi ng SC na meron pa itong hurisdiksyon sa kaso hanggang noong tanghali ng Hunyo 30, kung kailan magsisimula ang termino ng mga nanalo sa eleksyon.
Bagamat nanumpa na si Reyes, sinabi ng desisyon ng SC na magiging balido lamang ito kung ito ay ginawa sa Speaker ng Kamara at sa sesyon.
Kung susundan ang desisyon na ito, ibig sabihin ay wala pa talagang kongresista ngayon. Bakit? Kasi sa Hulyo 22 pa magsisimula ang sesyon.
Ito pa ang isang problema, kung kailangan sa Speaker manunumpa ang mga nanalong kongresista para maging valid ang kanilang pag-upo sa posisyon, hindi na sila makakaupo.
Ang mga puwede lamang bumoto sa speakership race ay ang mga nanumpang kongresista. E paano nga sila magiging kongresista, hindi pa sila makakapagluklok ng speaker?
Paano ngayon ito, walang magiging kongresista dahil walang speaker? At wala ring magiging speaker dahil wala pang legit na kongresista na boboto sa kanya? Ang gulo!
Ang alam ko, ang isang nanalong kandidato ay maaaring manumpa kahit sa barangay captain. Bakit ngayon, hindi na ito uubra?
Ibig bang sabihin, hindi rin legit ‘yung mga umupong kongresista sa mga nakaraang panahon dahil marami sa kanila ay hindi naman nanumpa sa Speaker?
Mukhang hindi natapos ang tanong sa naging desisyon ng SC at baka lalo pa itong nadagdagan.
Ayon sa Konstitusyon, ang House of Representatives Electoral Tribunal ang may executive jurisdiction sa mga kaso laban sa mga nanalong kongresista.
Kung ang mga abogado at bar topnocher na mambabatas ang tatanungin, kapag naiproklama na ang isang kongresista, siya ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng HRET.
At ito ang punto ni incoming Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Editor: para sa komento at tanong i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.