ISANG bansa, isang personalidad at dalawang koponan ang nais paulanan ng Peks Man ng mga papuri.
Unahin natin ang 91 atleta ng Team Philippines na lumahok sa Arafura Games sa Darwin, Australia. Tinapos ng mga nasyonal ang paligsahan na may 31 ginto, 51 pilak at 34 medalyang tanso.
Ang paglahok ng Pilipinas ay bahagi ng grassroots program ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni chairman Butch Ramirez.
Dinala kasi ng mga nanguna sa Batang Pinoy, Philippine National Games at Palarong Pambansa ang laban ng Pilipinas sa Arafura Games.
Korek si PSC national training director Marc Velasco na nagbigay karanasan sa mga atleta ang Arafura Games. Dahil sa nakatikim ng internasyonal na paligsahan ay ito ang magiging mitsa ng kanilang kinabukasan bilang mga pambansang atleta sa mas malalaki at mas mahihirap na laban sa labas ng bansa.
“It goes to show that if you give a chance to our regional athletes, it would pay dividends in the long run,” wika ni Velasco. “The athletes really competed and did their best. They gave their all.”
Kapuri-puri ang mga medalyang hinakot ng mga atleta ngunit hindi maiwasang nahigitan pa ito ng pinakitang “sportsmanship” nina Abegail Manzano ng track and field at muay athlete Ariel Lee Lampacan.
Pumasok sa gold-medal standing ang Pilipinas matapos magwagi ng ginto sa women’s 3,000-meter steeplechase si Manzano. Ngunit lalo pa siyang nakakuha ng respeto matapos kusang ibigay ang pilak na napanalunan kay Makayla Siddons ng Northern Territory. Si Siddons sana ang nagwagi ng pilak ngunit nadiskwalipika matapos mang-agaw ng linya.
Sportsmanship award naman ang binigay kay Lampacan ng Athletes Australia matapos ibulsa ang pilak.
JERWIN ‘PRETTY BOY’ ANCAJAS
Ikalawa kong papupurihan si Jerwin ‘’Pretty Boy” Ancajas na napanatili sa pamamagitan ng technical knockout sa 7th round kontra Japanese Ryuichi Funai ang kanyang titulong IBF super flyweight sa Stockton, California, USA.
Pinatunayan ni Ancajas na kung maibabalik ang pokus ay siguradong maganda ang magiging resulta.
Hindi ko masisisi si Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra kung patuloy niyang ipagmalaki si Ancajas na nananatili ang kababaang-loob at walang ere sa ulo.
Suportado ng GAB ang mga kampanya ni Ancajas at bakit nga naman hindi. Isa siyang idolo at ang maganda nito ay hindi siya nakakalimot magpasalamat sa Poong Maykapal at sa mga taong sumusuporta sa kanya.
Matindi ka Pretty Boy at nawa’y maging matagal ang iyong paghahari.
Pinuri pa nga niya ang katapangan ni Funai na nagkamaling nakipagsabayan, kamao kontra kamao kay Ancajas.
Gumanda ang kartada ni Ancajas sa 31-1-2, 21 KOs samantalang bagsak si Funai sa 31-8-0, 22 KOs.
UST GOLDEN TIGRESSES
Ang lahat ay may katapusan. Hindi naman puwedeng palagi kang nasa itaas. Sabi nga ng bandang The Alan Parsons Project sa patok na awiting “What Goes Up”
What goes up must come down
What must rise must fall
And what goes on in your life
Is writing on the wall!
Malinaw sa akin sa simula ng UAAP volleyball tournament na may angas ngunit kulang sa lakas ang kampeong De La Salle University na pumasok sa finals sa huling 10 taon ng hatawan.
Matapos mabitiwan ang twice-to-beat ay tuluyan ng yumuko ang Lady Spikers sa Tigresses na nagpakita ng tapang (tandaan niya ang pangalang Sisi Rondina at Eya Laure) sa mga sagupaan.
Isama na rin natin ai coach Kungfu Reyes na sa pangalan pa lang ay alam na nating palaban. Hindi naman siguro masamang sabihin na nasapawan ni Kungfu si DLSU coach Ramil de Jesus na nawala ang madyik kontra UST.
Ang masakit nito, dalawang beses pinabagsak ng DLSU ang karibal na Ateneo de Manila University ngayong season. Siyempre pa, hindi na mangyayari ang inaasahang Ateneo-DLSU final.
PETRON BLAZE SPIKERS
Masaklap ang nangyari kay De Jesus kung iisipin sapagkat nabigo naman ang F2 Logistics Cargo Movers kontra Petro Blaze Spikers sa Philippine Superliga Grand Prix. Double whammy, ika nga.
Hindi rin umubra ang koponan ni De Jesus sa mga pambato ni coach Shaq Delos Santos na sinabing hindi titigil ang Blaze Spikers sa pagkolekta ng mga titulo.
Ayon kay Shaq, nais ng Petron na ipagpatuloy ang “winning culture.”
MVP si Petron import Stephanie Niemer at Best Outside Hitter ang kasanggang si Katherine Bell.