“MAY HIMALA!’ ‘Yan ang sigaw ng mag-asawang Korina Sanchez at Mar Roxas sa pagdating ng kanilang kambal na sina Pepe at Pilar.
Grand slam homerun win nga kung tawagin ito ng senador dahil kahit senior citizen na siya ay biniyayaan pa rin siya at ang kanyang misi ng dalawang healthy babies. Turning 62 na si Mar sa May 13, na siya ring araw ng midterm polls.
Isang tunay na milagro sina Pepe at Pilar para sa mag-asawa dahil ilang taon na nilang pinaplano ang kanilang “baby project.” Ngayon, tunay nilang masasabi na talagang ganap na ang kanilang kaligayahan.
Kung matatandaan, Ipinanganak sina Pepe at Pilar noong Peb. 12, sa Pittsburgh, USA. Unang ipinanganak si Pepe at 5.4 lbs. habang ipinanganak naman si Pilar matapos ang isang oras at 4.10 lbs. Parehong mahilig sa mga bata sina Mar at Koring, at ngayon, sariling mga anak na nila ang kanilang mamahalin at aarugain.
Ilang taon ding naging abala sina Mar at Koring sa kanilang mga trabaho at parang hindi na magkakatotoo ang kanilang “baby project.” Ngunit gaya nga ng kasabihan, ang lahat ay nangyayari sa perfect timing ng Panginoon at naniniwala ang mag-asawa na ito na ang tamang panahon upang magkaroon ng mga supling.
“Although I’ve always loved children, there was a time I thought it wouldn’t happen anymore. Pero halos hindi ko basta basta tinatanggap ang salitang ‘imposible.’ Duon lang tayo makakasigurado na gianwa natin ang lahat. Oo, nagdasal ako. But we did the work God blessed our efforts. Mar is inspired to lead his children to how he defines as a best life,” sabi ni Korina na nakachikahan ng ilang members ng entertainment press kahapon sa bahay nila sa Cubao, Quezon City.
Aminado naman ang power couple na sa pagdating nina Pepe at Pilar, nakaramdam din sila ng magkahalong uncertainty, worry at anxiety ngunit sabi nga ni Korina, kapag nakikita na nila ang mga bata napapalitan na ito ng walang katumbas na kaligayahan at ito na ang pinaka-fulfilling na adventure na meron sila bilang mag-asawa.
“Hindi pa kami kasal when we both decided to freeze our embryos,” seyi ni Korina. “Naghihintay lang kami ni Mar para sa perfect time to start a family. At ngayong ibinigay na sila sa amin, wala na kaming mahihiling pa.”
Umaasa rin sila na maibibigay nila ang lahat para sa wastong pagpapalaki sa kanilang mga anak,
“Tinatanong ako kung ano ang pangarap ko para sa aming mga anak. Gusto ko silang gabayan sa isang direksyon. I want to see what they will love and be good at.
“So, my role really is to get them to develop to the fullest whatever potentials they show. But the most essential is to each be a good person, helpful to people, compassionate, purposeful, God fearing, and inspiring. If you are that, you are happy. Ang kaligayahan ang depinisyon ng tagumpay,” sabi ni Mar.
Tunay ngang mas naging makulay at kapana-panabik ang buhay nina Mar at Korina dahil sa maliliit na anghel na iniregalo sa kanila ng langit.
Samantala, breastmilk pa rin ang ipinaiinom ni Korina kina Pepe at Pilar dahil naniniwala rin siya na breastmilk is still best for babies. Pero aniya, problemado siya dahil pahirapan daw ngayon ang manghingi ng breastmilk.
“Actually, tatlong buwan na akong nanglilimos, araw-araw tinatanong ko (mga nanay na kakilala niya) kung may gatas pa ba tayo diyan. Parang napapraning ako kung saan ako kukuha,” aniya. Ayaw na raw kasi niyang manghingi sa mga hospitals dahil nakalaan na raw ito sa pre-mature babies.
“May naka-allot lang kasi per mother, and you can’t buy. So, I have friends, or the daughters of my friends, yung barkada nila, so sa kanila ako kumakatok pag kailangan na uli.”
Hanggang two years old daw balak ni Korina na painumin ng breastmilk ang kambal kaya mahigit isang taon pa siyang mamamalimos ng gatas mula sa dibdib ng ibang nanay.
Nang tanungin si Ate Koring kung sino sa kanila ni Mar ang kamukha ng kambal, “Naku ipinauubaya ko na yan sa mga tumitingin. Kasi siyempre bata pa naman sila, e. Pero kapag sinasabi ni Mar na kamukha niya, tahimik na lang ako. Smile na lang ako,” natatawang chika pa ni Korina.
Wala pang ibinigay na detalye sina Korina at Mar tungkol sa binyag ng kambal pero may 20 na raw silang kukuning ninong at ninang ng mga ito, at karamihan nga dito ay mga pamangkin nila na nagprisinta na bago pa man nila masilayan ang mga bagets.