NEVER palang naging interesado sa showbiz ang anak nina Bossing Vic Sotto at Coney Reyes na si Vico Sotto.
Bata pa lang daw ay mahiyain na siya kaya kahit maraming nagsasabi sa kanya na pwedeng-pwede siyang mag-artista ay hindi niya ito sinubukan. Mas naging interesado raw siya sa politika.
Konsehal ng Pasig City si Vico at tumatakbo ngayon bilang mayor ng lungsod. Kaya nang humaarap siya sa ilang miyembro ng entertainment media ay natanong sa kanya kung bakit mas gusto niya ang politika kesa sa showbiz?
“Alam niyo, never akong naging interesado sa showbiz. Sa katunayan, naaalala ko pa noong bata ako, talagang lagi nila akong gine-guest,” sagot ng batang politiko.
Patuloy pa niya, “Kahit birthday lang, mag-appear lang ako sa Eat Bulaga. Pero kayo po ang nagku-cover. Alam n’yo po, never niyo akong nakita, lumalabas lang ako kapag talagang pinilit lang.
“Matanda na ako noong lumabas ako. Pero noong bata ako, ayaw na ayaw ko, umiiyak pa ako. Naghahabulan pa kami ni Mama noon para sa birthday greeting kay Papa sa Eat Bulaga,” lahad pa ng anak ni Bossing.
Nagdesisyon daw si Vico na tumakbong mayor ng Pasig dahil nais niyang mabago ang umiiral na sistema sa kanilang lugar, “Sabi ko, kung walang ibang tatakbo, kasi nakita ko po ang kultura ng pananakot at pang-aabuso ng kapangyarihan.
“Sabi ko, bago mag-deadline ng filing para sa kandidatura, sabi ko, hindi ako papayag na walang lalaban,” matapang na sabi ni Vico.
Suportado naman daw siya nina Coney at Bossing sa mga ipinaglalaban niya, “Nag-usap naman po kami. Hindi lang ng tatay ko, pati ng nanay ko. Buong pamilya, immediate family. Pati mga kaibigan ko, mga mentors ko pagdating sa paggu-gobyerno.
“Pero ako naman, malaki ang pasasalamat ko sa mga magulang ko dahil hindi sila nakikialam sa akin pagdating sa trabaho. They give advice, they give encouragement, pero hindi po sila nakikialam. They let me make my own decision,” anang binata.
q q q
Tinutulungan din daw siya nina Vic at Coney financially, pero mas malaki raw ang share ng papa niya dahil mas mayaman daw ito kesa sa mama niya.
“Pero aaminin ko sa inyo, noong una, medyo kinakabahan din siya. Siguro medyo normal naman sa mga magulang yun, di ba? Pero noong in-explain ko sa kanila kung bakit…hindi naman ito para sa isang posisyon kung hindi para sa tunay na pagbabago.
“In-explain ko sa kanila, ipinakita ko pa sa kanila. Nagbago ang isip nila at naging buo ang isip nila,” aniya pa.
Samantala, kung matatandaan na-link din noon si Vico kay Maine Mendoza pero ipinagdiinan ng binata na wala talagang namagitan sa kanila ng dalaga. Hindi rin totoo na niligawan niya si Maine at nagkakilala lang sila noong magkita sa isang episode ng “Juan For All All For Juan” sa isang barangay sa Pasig na kanyang pinaglilingkuran.
Hanggang ngayon ay binata pa rin si Vico at wala rin siyang nililigawan. Uunahin daw muna niya ang kanyang pagsisilbi sa kanyang mga kababayan. Bata pa naman daw siya at marami pang oras para sa lovelife.