NOON ibinibili ng kotse-kotsehan, baril-barilan at manika ang mga bata para hindi kulitin ang kanilang mga magulang na abala sa paggawa ng gawaing bahay at pagtatrabaho.
At ngayong techie na ang mundo, ang ibinibigay na ng mga magulang sa kanilang anak ay cellphone at tablet kaya nauso ang terminong “screen time”.
Pero nababahala ang World Health Organization dahil sa pagtagal ng mga bata sa harap ng screen. Sa ulat, sinabi nito na hindi dapat magtagal ng isang oras kada araw ang screen time ng ganitong mga edad.
Ang screen time ang isa sa mga dahilan ng sedentary behavior o matagal na pag-upo at sleep disorder ng mga bata.
Dahil isa na itong public health issue— tinawag na Screen Dependency Disorder — tinututukan ito ng WHO.
Ano ba ang SSD?
Ang SSD ay ang ugali ng bata na electronic gadget kaagad ang dinadampot paggising, gumagamit ng gadget sa lamesa sa halip na kumain at nanonood o naglalaro hanggang sa pumikit ang mata.
Maaaring ang SSD ay panonood ng video at paggamit ng apps. Noong nakaraang taon ay idineklara na isa na itong disorder ng WHO.
Ang SSD ay nagreresulta sa insomnia, pananakit ng likod, kakulangan ng nutrisyon at problema sa mata.
Nagdudulot din ito ng kawalan ng social interaction kaya pakiramdam ng isang bata siya ay loner at depressed.
Hindi lamang limitado ang epekto ng SSD sa mga bata kundi may epekto rin ito sa mga matatanda.
Sa ulat ng Nielsen noong 2014, sinabi nito na ang mga matatanda ay online ng 11 oras kada araw na nagreresulta sa kawalan ng physical activity.
Inirerekomenda ang physical activity hindi lamang sa mga bata kundi maging sa mga matatanda.
Sa pag-aaral ng TotallyAwesome, isang kids’ digital company na nakabase sa Singapore, walo sa 10 kabataang ang mas gusto na mag-browse sa Internet kaysa manood ng telebisyon.
Ayon naman sa National Council for Children’s Television ng Department of Education, ang mga bata na Grade 1 hanggang 3 ay nanonood ng average na apat na oras sa YouTube kapag weekdays at hanggang pitong oras na naglalaro ng video games kapag weekends.
At iniuugnay ito sa resulta ng pag-aaral ng DQ Institute noong nakaraang taon na nagsasabi na ang mga Filipino na edad 8-12, ay mababa sa global average pagdating sa basic screen time management. Ang global average ay 100 at ang mga Filipino ay nakakuha ng 96.
Ang mga batang Pinoy ay umuubos umano ng 4.35 oras kada araw o 34 oras kada linggo, sa harap ng digital screen, mas mahaba ng dalawang oras kumpara sa average sa buong mundo kaya makabubuti na turuan ang responsableng paggamit ng internet ang mga ito.
Sa pag-aaral ng DQ noong 2017, sinabi nito na 73 porsyento ng mga batang Pinoy ay exposed sa online risk gaya ng cyberbullying o inappropriate sexual behavior.
Sa maniwala kayo o hindi kahit na si Bill Gates, ang founder ng Microsoft, ay nagpatupad ng restriction sa paggamit ng cellphone sa kanyang mga anak. Nakahawak lamang ng cellphone ang mga ito noong sila ay 14 taong gulang na.
Bawal din ang cellphone sa kanilang hapag kainan ay mayroong li-mitasyon kung gaano katagal maaaring gumamit bago matulog.