HINDI alam ng maraming kabataan na ang ginagamit nilang e-cigarette ay mayroong nicotine, ayon sa pag-aaral sa Stony Brook University sa New York.
Pinag-aralan ang 517 indibidwal na edad 12-21. Pinasagot ang mga ito sa tanong kaugnay ng sigarilyo, e-cigarette at marijuana.
Ayon sa 14 porsyento, nasubukan na nilang manigarilyo, 36 porsyento naman ang nakagamit na ang e-cigarette at 31.3 porsyento ang nakapag-marijuana na.
Kumuha rin ng urine samples ang mga researcher mula sa mga participants na nagpapatunay sa isinagot ng mga ito.
Nang i-analyze ang mga sagot, lumalabas na 40 porsyento ng gumamit ng vape ang akala ay walang nicotine ang kanilang ginagamit na vape. Nagpositibo ang mga ito sa nicotine markers na ginamit sa urine samples.
Ayon kay Dr. Rachel Boykan, clinical associate professor sa pediatrics ng Stony Brook University mas mataas ang lebel ng nicotine na nakukuha ng mga gumagamit ng vape kumpara sa mga gumagamit ng tradisyonal na sigarilyo.
Maraming kabataan ang lumilipat sa paggamit ng vape ayon sa research sa Estados Unidos na nailathala sa JAMA Journal.
Taliwas naman ito sa pag-aaral na nailathala ngayong buwan sa British Medical Journal.