Batang may leukemia nagtitinda ng ballpen para pambayad sa chemo
MARAMI kaming ballpen sa bahay. Mas marami pa yata kesa sa mga tinidor at kutsara namin. Kung bakit ‘yun dumami nang dumami ay may malalim na kuwentong pinagmulan.
Nagtapos sa elementarya ang bunso naming si Bulaklak Mandela nu’ng Sabado nang hapon sa Saint Mary’s Angels College Of Valenzuela.
Sinamahan namin sa entablado ang aming bunso, may espesyal na parangal na tinanggap ang aming anak, napakaligaya namin para kay Bulak.
Ang kaligayahan ay nasahugan ng lungkot nang marinig namin ang speech ng kanilang salutatorian na si Deonne Irish Margareth Tilos, siya ang dahilan kung bakit napakarami naming ballpen sa bahay.
May leukemia si Deonne, sa halip na humingi siya ng literal na tulong na pampinansiyal sa kanyang mga ka-mag-aral ay nagbebenta siya ng ballpen para maipangdagdag sa kanyang regular na chemotherapy, madalas mag-uwi si Bulak para bilhin.
“Mama, may leukemia po si Deonne. Ang kinikita niya po sa pagtitinda ng ballpen, ipinagpapagamot niya,” sinserong impormasyon ni Bulak.
Nakapeluka na lang si Deonne dahil nalalagas na ang kanyang buhok. Nagtatrabaho sa Dubai ang kanyang ina para matustusan ang kanyang gamutan, ang kanyang lolo at lola ang gumagabay kay Deonne, na maysakit man ay lumaking napakatalino.
Humigit-kumulang ay sinabi ni Deonne sa kanyang salutatory speech, “Nalalagas na po ang mga buhok ko ngayon, pero hindi ko pababayaang malagas din ang mga pangarap ko.”
Gusto naming umakyat sa entablado para yakapin nang mahigpit si Deonne, isa siyang modelong kabataan, palagi siyang positibo sa kabila ng kanyang pisikal na dinaramdam.
Patuloy kaming susuporta sa mga ibinibentang ballpen ni Deonne. Gusto naming dagdagan ang kanyang pag-asa, ang kanyang katatagan, ang pagsusunog niya ng kilay sa pag-aaral na may matagumpay na resulta.
Masakit daw ang mga tusok ng karayom tuwing sumasailalim siya sa chemotherapy, pahayag ni Deonne sa kanyang speech, pero dahil sa pagmamahal ng kanyang pamilya at suporta ng kanyang mga guro at kamag-aral ay kinakaya niya ang matinding pagsubok na dumating sa mura niyang gulang.
Walang hanggan ang pag-asa, dumarating ‘yun sa iba-ibang hugis, sa iba-ibang pagkakataon at walang imposible sa Panginoon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.