Kapag alam mong may asawa na, huwag nang sumawsaw pa! – Ai Ai

EX-BATTALION, AI AI DELAS ALAS AT KYLIE VERSOZA

PARANG tunay na mga anak na ang turing ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa mga miyembro ng grupong Ex Battalion.

Hindi raw siya nagkukulang ng paalala sa mga ito para magtuluy-tuloy ang kanilang career sa mundo ng showbiz at hindi masayang ang kanilang nasimulan.

Tulad na lang sa isyu ng Ex B member na si King Badger o Jon Gutierrez sa tunay na buhay na kontrobersyal ngayon dahil sa umano’y pagkasira ng relasyon nila ng asawang si Jelai Andres.

Sa solo presscon ni Ai Ai para sa latest movie niyang “Sons of Nanay Sabel” naikuwento niya ang pag-uusap nila ng kanyang anak-anakan.

“Sinabi ko sa kaniya, Jon, ang pag-aasawa hindi ‘yan laro. Sabi ko October ka pa lang ikinasal, siyempre, kahit papaano masasaktan ‘yung asawa mo,” sey ng Comedy Queen na gumaganap ngang nanay ng anim na miyembro ng Ex Battalion sa “SONS”.

Dagdag pa ng Kapuso TV host-comedienne, “Sabi niya inaayos naman niya. Nililigaw-ligawan niya ulit si Jelai. Kaya sana maayos. Ako ‘yung manager at tumatayong magulang nila siyempre wala namang magulang na gusto ‘yung anak nila pariwara ‘yung relasyon.”

Komento ng press, ang galing-galing na raw niyang magpayo tungkol sa buhay-buhay lalo na sa marital problems.

“Of course, sa dami ba naman ng nga pinagdaanan ko, ang tanga-tanga ko naman kung hindi pa ako makakapag-advice nang maayos.

“‘Yung sakin, by experience. Sinasabi ko sa kanila (Ex B) lahat ng mga pagkakamali ko itinama ko at marami akong natutunan sa mga pagkakamaling yun,” aniya pa.

Nagbigay pa siya ng payo sa mga lalaking may asawa na nilalandi ng mga babae, “Marami naman kasi talagang pokelya na naglalandi sa mga lalaki kahit alam nilang may asawa na. Ewan ko ba kung bakit ang dami namang lalaki yun pang may sabit ang papatulan mo.

“Parang buong Pilipinas naman alam na may Jelai at Jon di ba? Alam mong may asawa bakit ka rin papatol? Una sa lahat pag taken na, taken na. Huwag ka nang sumawsaw kasi masama talaga yun,” paalala pa ni Ai Ai.

Samantala, feeling ni Ai Ai, first and last movie na ng Ex Battalion ang “Sons of Nanay Sabel” na showing na ngayong May 8 sa lahat ng sinehan. E, kasi nga, ayaw naman daw talaga ng grupo na pasukin ang pag-aartista. Ang talagang gusto nila ay ang mag-perform at mag-compose ng kanta.

“Pero sabi ko sa kanila, subukan lang baka magustuhan nila kasi may akting naman. Nu’ng mapanood nga nila yung mga mukha nila sa premiere night tuwang-tuwa sila hindi nila akalain na nasa big screen na yung mga pagmumukha nila,” kuwento ng Comedy Queen.

Kaya kapag nagtagumpay sa takilya ang “Sons of Nanay Sabel” na idinirek ni Dado Lumibao, tingnan natin kung makumbinsi uli ni Ai Ai ang Ex B na gumawa ng part 2.

Read more...