LABING-ANIM katao ang sugatan nang sumalpok sa gilid ng bundok at tumagilid ang sinakyan nilang bus, sa Atok, Benguet, Miyerkules ng hapon.
Nilapatan ng paunang lunas at itinakbo sa ospital ng mga rescuer at napadaang motorista ang 16, na kinabibilangan ng mga senior citizen na edad 61, 81, at 95, at mga batang 8-anyos at 8-buwan, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-5, sa bahagi ng Halsema Highway na sakop ng Brgy. Caliking.
Minamaneho noon ni Regan Ginoban, 33, ang Rising Sun bus (WZ0-568) mula Baguio City, patungong Bontoc.
Habang binabagtas ang isang pababang kurbada, nagloko umano ang makina kaya isinalpok ng driver ang bus sa gilid ng bundok, hanggang sa ito’y sumalpok pa sa poste ng kuryente at tumagilid, ayon sa pulisya.
Dinala ang mga pasahero sa Benguet General Hospital, at lima sa mga ito’y pinayagang makauwi nang gabi ring iyon.
Dinala naman ang driver at kundoktor sa Atok Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.