Petron, F2 Logistics agawan sa PSL Grand Prix title

Laro Sabado (Mayo 4)
(Filoil Flying V Centre)
7 p.m. Petron vs F2 Logistics

ISA lamang ang tatanghaling kampeon sa pagitan ng Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo Movers sa Game 3 ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix best-of-three finals series ngayong Sabado sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Maghaharap ganap na alas-7 ng gabi ang Blaze Spikers at Cargo Movers, ang dalawa sa pinakamahusay na club team sa bansa, na inaasahang ibubuhos ang lahat ng makakaya para mauwi ang pinakaprestihiyosong korona sa Philippine volleyball.

Nakauna ang Cargo Movers sa kanilang pangkampeonatong serye sa pagtala ng 25-20, 16-25, 25-23, 25-23 panalo sa Game 1 ng prestihiyosong women’s club league noong Martes ng gabi para putulin ang 17-game winning streak ng Petron at lumapit sa isang panalo para mauwi ang titulo.

Subalit hindi naman sumuko ang Blaze Spikers na binuhat ng mga American import na sina Stephanie Niemer at Katherine Bell na hinatid ang Petron sa 23-25, 25-23, 25-14, 25-19 pagwawagi sa Game 2 noong Huwebes ng gabi para ikasa ang winner-take-all game ngayong Sabado.

Aasahan naman muli ni Petron coach Shaq Delos Santos ang mahusay na paglalaro mula kina Bell at Niemer pati na ang mga local stars na sina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan at Aiza Maizo-Pontillas para makamit muli ng Blaze Spikers ang korona.

Sasandalan naman ni F2 Logistics mentor Ramil de Jesus ang mga import nitong sina Lindsay Stalzer at Maria Jose Perez maging sina Ara Galang, Aby Maraño at Dawn Macandili para mabawi ng Cargo Movers ang titulo.

Read more...