Sylvia, Arjo bibida sa pelikula tungkol sa bagyong Yolanda

SYLVIA SANCHEZ AT ARJO ATAYDE

FINALLY ay nakahanap na si Direk Carlo Francisco Manatad ng financier para gawing full length movie ang “Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon)”.

Tumanggap siya ng financing mula sa Aide aux cinémas du monde (France’s World Cinema Support) at Institute Français na nagkakahalaga ng 130,000 euros o mahigit P8 milyong piso.

Ang nasabing pelikula ay pagbibidahan ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde na ang kuwento ay tungkol sa pamilyang sinalanta ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.

Nang makausap namin si Ibyang sinabi niyang true to life story ito ng mag-ina na lumuwas ng Maynila para makahanap ng ikabubuhay nila. Sa Tacloban daw mismo magsu-shoot sina Ibyang at Arjo.

Samantala, nakipag-team up si Director Manatad sa kanyang producer na si Armi Rae Cacanindin at kanyang co-writers na sina Giancarlo Abrahan at Jeremie Dubois para i-develop ang screenplay at gawin ang kanyang unang feature film sa ilalim ng Cinematografica Films at House on Fire, isang production company sa France. Naka-set ang pelikula sa aftermath ng Bagyong Haiyan sa Tacloban.

Bukod sa French film fund, nabigyan din ang “Whether the Weather is Fine” ng Asian Cinema Fund sa Busan para sa script development noong 2014 at ng Talents Tokyo Next Masters Support Fund noong 2017. Ang project ay co-produced ng Cinematografica Films, Plan C, House on Fire, Globe Studios, Quantum Films, at AAND ng Singapore.

Mula pa noong 2014, dine-develop na nina Director Manatad at ng kanyang team ang “Whether the Weather is Fine,” at natutuwa sila na nagsisimula nang magbunga ang kanilang pinagpaguran. Plano nilang mag-shoot sa Oktubre ngayong taon.

Sabi ng producer na si Ms. Cacanindin, “Fifty percent of the grant money should be spent in France. This is a great chance to collaborate with French talents, which we already started with Carlo and Jeremie working together for the script.

“Because why do we co-produce? It is not just about getting additional funding for our projects, but also about collaborating and learning from each other’s practices, background, and more,” aniya pa.

Ang Aide aux cinémas du monde ay isang selective fund na gina-grant sa foreign filmmakers na may feature-length projects na naghahanap ng suporta mula sa French co-producers. Co-managed ito ng Institut français at ng Centre national du cinéma et de l’image animée (CNC).

Halos isang daang pelikula na ang sinuportahan ng World Cinema Support ng France at napili sa Cannes International Film Festival, isa sa mga prestihiyosong film festival sa buong mundo. Ngayong taon, gaganapin ang Cannes Film Festival mula Mayo 14 hanggang 25.

Sa ngayon ay inaayos pa ang schedule ng mag-inang Sylvia ay Arjo dahil pareho silamg abala sa taping ng kani-kanilang teleserye, ang Project Kapalaran (eere palang) ni Ibyang at The General’s Daughter ni Arjo na super taas pa rin ang nakukuhang rating gabi-gabi.

Read more...