Sit less, play more

PARA maging healthy ang isang bata, lalo na yung may edad lima pababa, kailangang gumalaw-galaw, at dapat mas madalas.

Ayon mismo sa World Health Organization, dapat mabawasan ang pag-upo ng mga bata at mas mahaba ang oras sa paglalaro.

Sinabi ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus na maganda na bata pa lamang ay mamumulat na sa magandang lifestyle na madadala nila sa kanilang pagtanda.

Ang kakulangan ng physical activity ay iniuugnay sa pagkamatay ng limang milyong tao sa mundo kada taon. Sa pag-aaral, 23 porsyento ng mga adult at 80 porsyento ng mga adolescent ang kulang sa physical activities.

Bumuo ang mga eksperto ng WHO ng guidelines para sa magandang kalusugan ng mga bata na wala pang limang anyos. Binigyan ng pansin ng mga ito ang tagal o haba ng oras ng mga ito sa panonood ng telebisyon.

Wala pang isang taon

Para sa mga hindi pa naglalakad, maaari ang mga floor-based na laro. Makatutulong din ang 30 minuto o higit pa na pagdapa.

Dapat iwasan ang mahigit sa isang oras na pag-upo sa high chair, stroller, at mga katulad na bagay kung saan naka-strap ang bata.

Hindi inirerekomenda ang screen time at hinihikayat ang pagbabasa ng kuwento sa bata.

Para sa 0-3 months inirerekomenda ang 14-17 oras na tulog. Para sa 4-11 months ay 12-16 oras na tulog. Kasama na dito ang idlip.

1-2 taon

Makabubuti kung magkakaroon ng mga physical activity ng 180 minuto kada araw.

Hindi inirerekomenda ang mahigit sa isang oras na pag-upo sa stroller o high chair.

Para sa isang taong gulang hindi ini-rerekomenda ang screen time gaya ng panonood ng telebisyon o video o paglalaro ng computer games.

Para sa dalawang taong gulang ang screen time ay dapat hindi lalagpas ng isang oras.

Dapat ay mayroon good quality sleep na 11-14 oras kasama na ang idlip.

3-4 taon

Makatutulong ang mahigit sa 180 minutong physical activities.

Hindi inirerekomenda na ma-restrained ng mahigit isang oras. Dapat ay hindi lumagpas ng isang oras ang screen time at hinihimok ang storytelling.

Ang tulog ay dapat 10-13 oras sa kabuuan.

Read more...