UMABOT na sa P505.92 milyon ang pinsalang dulot ng magnitude 6.1 lindol na tumama sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lalawigan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sinabi ng NDRRMC na may kabuuang 334 istraktura at gusali ang nasira sa Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.
Idinagdag ng NDRRMC na alas-6 ng umaga Abril 28, umabot na sa P305.9 milyon ang pinsala sa mga paaralan.
Mahigit kalahati ng pinsala ay mula sa Central Luzon na umabot sa P222.62 milyon.
Kabilang sa mga napinsala ay ang mga sumusunod:
Calabarzon- P52.12 milyon
Metro Manila- P16.5 milyon
Ilocos Region-P14.68 milyon
Sa Central Luzon, umabot sa P200 milyon ang pinsala sa mga kalsada at mga tulay,
Sinabi ng NDRRMC na nakapagtala na ng kabuuang 868 aftershocks mula magnitude 1.4 hanggang 4.5 matapos ang nangyaring lindol noong Abril 22.
Samantala, umabot sa 18 ang nasawi, na pawang sa Central Luzon, samantalang 243 katao ang nasugatan, at lima pa ang nawawala.
Matapos ang lindol, sunod-sunod na lindol din ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang magnitude 6.5 na lindol na tumama sa Eastern Samar.