Isko ayaw na sanang tumakbong mayor, pero…
KUNG si dating Manila Vice Mayor Isko Moreno ang tatanungin ay mas gusto na lang niyang asikasuhin ang negosyo nila at samahan ang pamilya lalo’t naglalakihan na ang kanyang mga anak.
Kasi nga naman noong nasa politika siya ay halos naubos ang oras niya sa public service kaya kulang na ang panahon para sa pamilya. Bukod dito ay bukas din daw siya kapag may mga offer sa showbiz kaya kuntento na siya bilang pribadong mamamayan.
Pero hindi niya puwedeng tanggihan ang pakiusap ng mamamayan ng lungsod ng Maynila dahil sa napakaraming problemang kinakaharap nito kaya nagdesisyon na siyang kumandidato sa pagka-mayor.
Nabanggit ni Isko na ang pinakamatinding problema sa Maynila ay ang sangkaterbang basura na hindi na natapos-tapos dahil nga walang maayos na programa para rito.
“Mahirap kasi kapag magtse-check ka lang sa CCTV at may makikita kang basura sa lugar na ‘yun at doon mo lang ipalilinis. Dapat pag pinalinis, hindi na ‘yan babalik pa, bakit pabalik-balik?” bungad ni Isko ng makatsikahan namin.
Bilang dating basurero ay alam ni Isko kung paano ito aayusin – ihiwalay ang nabubulok at hindi nabubulok. At ang mga may pakinabang ay puwede itong pagkakitaan, kaya nga naniniwala pa rin siya sa kasabihang may pera sa basura.
“Modesty aside, alam mo talaga ang tadhana, o ang Diyos, maraming pamamaraan. If the number one problem of the City of Manila is garbage, suwerte rin sila (Manileño). Bakit? May kandidato na silang mayor na basurero.
“Sa first week, first month, first 100 days, will address the garbage problem in Manila Bay. In Muelle de Binondo, in Estero de Magdalena, the one that you see in television and news, and the streets of Manila,” say ng aktor-politiko.
Isusulong daw nila ang “Pagkain sa Basura” campaign, “Sabi ko sa inyo, para akong basurerong mayor.
Iyong basura mo, kinukuha ko dati noong basurero ako. Ngayon, baligtad. Tayo na ang gobyerno, iyong basura mo, kinukuha ko, binabayaran ko ng pagkain.
“Did you know that there is a country in Europe wherein there’s an ATM for garbage? Iyong bottle, ipasok mo sa ATM machine, bibigyan ka niya ng coupon. Pero cash. Ako naman, baligtad. Not to engage (money), alam mo, may away rin ‘yan kapag (pera) kaya pagkain lang.
“So, iyong basura mo, you will be given a coupon, with corresponding points. Points accumulated equal to, halimbawa, dalawang kilong bigas, asukal. Mga basic goods sa bahay. It’s one way of encouraging and educating the next generation,” mahabang paliwanag ni Isko.
Isa pa sa programa niya ay ang pagbabalik ng Metro Aide at hindi lang bilang contractual kundi magiging regular with benefits pa, Alam natin na magaling ang Metro Aide noong araw. Umaga, may nagwawalis. Tanghali, may nagwawalis, hapon, may nagwawalis, walang tigil ‘yan.
“And it’s a decent job at the time. Even though you’re just a street sweeper, but it’s a decent job. Why? Because they are hired and regular employees of the government. May benefits. If you are doing the same thing all over again, every day, you’ll be good at it. Kumbaga, magiging espesyalista mo ‘yun,” aniya pa.
Anyway, ang isa sa limang anak ni Isko na si Joaquin Domagoso ay interesadong pasukin ang showbiz na hindi naman pinigilan ng ama dahil katwiran niya, “Hindi mo mapipigil kung hilig. Ang bilin ko lang, huwag pababayaan ang pag-aaral,” say ni Isko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.