HIRAP na hirap magsalita si Jodi Sta. Maria nang humarap sa entertainment media para sa promo ng bago niyang pelikula, ang “Man And Wife” kung saan makakatambal niya si Gabby Concepcion.
Paos na paos ang aktres dahil sa sore throat at feeling niya nakuha niya ang virus sa Thailand kung saan siya nagbakasyon kasama ang pamilya noong nakaraang Holy Week. Pero keri naman daw niyang magsalita.
First time nakatrabaho ni Jodi si Gabby at ang direktor ng “Man And Wife” na si Laurice Guillen at aminado siya na na-intimidate siya nu’ng unang araw ng kanilang shooting pero nang tumagal na, naging komportable na sila sa isa’t isa.
“As an actor, magaling talaga siya. And as a person kahit na he’s Gabby Concepcion, he’s very humble,” chika ni Jodi. Naloka lang daw siya dahil first shooting day pa lang ay may love scene na agad sila ni Gabo.
“Naloka talaga ako. Tapos, Gabby Concepcion?! Hindi ko alam kung paano ko siya hahawakan, paano ko siya hahalikan,” natatawang chika ng Kapamilya actress.
“Pero I must say na napaka-gentleman ni Mr. Gabby Concepcion. Talagang mararamdaman mo na walang taking advantage at talagang nakaalalay siya,” aniya pa.
Napapayag si Jodi na gawin ang mga nasabing eksena dahil kailangan sa kuwento, mag-asawa kasi sila ni Gabby sa movie, “Kasi, alangan namang man and wife kayo, magtititigan at magdya-Jack en Poy lang kayo, ‘di ba?”
Kuwento naman ni Direk Laurice, wala siyang naging problema kay Jodi pagdating sa paggawa ng loves scenes. Hindi naman daw kailangang maghubad ang kanyang mga artista pero kailangang lumabas itong passionate.
May isang eksena nga raw na nagtago sa ilalim ng kumot si Jodi habang naglalambingan sila ni Gabby pero pinaulit ito ng direktor nang walang kumot para mas maging makatotohanan.
Samantala, natanong din ang aktres kung ano ang masasabi niya sa balitang engaged na raw ang ex-boyfriend niyang si Jolo Revilla sa dyowa nitong beauty queen na si Angelica Alita.
Natawa muna si Jodi sabay sabing, “I know it’s not for me to comment because you guys know naman that we’re no longer together.”
Ang “Man And Wife” ay kuwento nina Luisa (Jodi) at Carding (Gabby), ang mag-asawang susubukin ang katatagan at pagmamahal sa isa’t isa sa pagdating ng mga problema at pagsubok sa kanilang buhay.
Magiging kumplikado ang kanilang pagsasama ng dalawa dahil sa pakikialam ng ina ni Carding na si Menang (Liza Lorena) at ng kapatid ni Luisa na si Totoy (Edgar Allan Guzman).
Sino nga ba ang pipiliin ni Carding kung umabot na sa sukdulan ang lahat – ang kanyang ina o ang kanyang asawa? Yan ang sasagutin ng pelikula na ibinase sa classic soap opera na Gulong Ng Palad.
Showing na sa May 8 nationwide ang “Man And Wife”, ito ang Mother’s Day offering ng Cineko Productions at Cinescreen. Makakasama rin dito sina Klea Pineda, Dexter Doria, Francis Magundayao, Ina Feleo, Denise Laurel at Amy Austria.