HINDI madala sa kahit anong pakiusap ang mga OFW natin sa Libya na ayaw umuwi ng bansa sa kabila ng mga pagsusumamo ng mga opisyal ng Philippine embassy roon.
Pati mga simbahan ay pinasok na rin ng mga opisyal upang mapauwi ang ating mga OFW doon dahil sa mas umiigting na labanan sa Libya.
Ayon kay Charge de Affairs Elmer Cato, matigas talaga ang paninindigan ng ating mga kababayan na ayaw nilang umuwi at mananatili umano sila roon.
Sa totoo lang kasi, paulit-ulit na itong nangyayari. Kahit nasa crisis alert level 4 na at may mandatory repatriation nang ipinatutupad, patuloy pa rin nila itong binabalewala. Walang pagbabago.
Sa mga panahon ng krisis kung saan naiipit na sa giyera ang ating mga OFW, handa pa rin nilang suungin kahit anumang panganib, kahit buhay pa nila ang nakataya, huwag lamang iwan ang kanilang mga trabaho roon.
Nakalulungkot lang dahil kayang isugal ng ating mga OFW ang buhay na regalo sa kanila sa halip na pakaingatan iyon at gamitin nang tama.
Gayong may kalayaan ang taong magdesisyon para sa kaniyang sarili, ngunit maling-mali na hindi sila sumusunod sa mga tagubilin at batas na ipinatutupad sa kanilang pag-aabroad, lalo pa nga at buhay na nila
ang nakataya doon.
Desperado na ang pamahalaan na mapauwi ang mga OFW natin sa Libya kung kaya sa mga kapamilya o kamag-anak na sila nakikiusap na kumbinsihin ang mga itong pauwiin.
Sa tagal ng Bantay OCW na nagmamasid at nagbabantay sa ating mga OFW, pabalik-balik lang ang problema kapag mandatory repatriation na ang ipinatutupad. Walang sumusunod.
May simpleng suhestiyon ang Bantay OCW riyan. Yamang pinoproseso ang mga kontrata nila sa POEA, maaari kayang isama sa probisyon doon na uuwi sila ng bansa nang walang pasubali at handang sumunod ng walang pag-aalinlangan kapag itinaas na ng pamahalaan ang crisis alert level 4 sa bansang kinaroroonan.
Kasabay nito, magtatadhana ang pamahalaan ng deadline para sa pagpapatupad ng paglilikas sa mga Pilipino doon dahil kailangan ding lumikas ng ating mga opisyal ng gobyerno upang maisalba din nila ang kanilang sariling mga buhay.
At sa pagtatapos ng deadline na iyon, mahigpit nilang ipatutupad ito: kakanselahin na ang kanilang mga pasaporte at lalong mahihirapan na silang lumikas sa panahon na sa pakiramdam nila ay nagigipit na sila at gusto na nilang lumikas.
Kung ipatutupad ang simpleng mga panukalang iyan ng Bantay OCW, natitiyak nating hindi na mahihirapan ang pamahalaan na gawin ang kanilang trabaho sa pagbibigay proteksyon sa ating mga kababayan.
Matututong sumunod ang ating mga OFW sa mga panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan at sabi nga ni Labor Attache Reydeluz
Conferido, hindi na sila ang magdedesisyon sa kanilang mga sarili pagdating sa kanilang kaligtasan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com