PSC-AFP partnership

SA aking memorya, ito ang unang pagkakataon na naging bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Command ang mga lider ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ng chairman nitong si William ‘‘Butch’’ Ramirez.
Kasama siyempre ni General este Chairman Ramirez bilang mga AFP reservists ang mga PSC Commissioners na sina Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Raymond Maxey at Arnold Agustin.
Kung ako ang tatanungin, hindi naman nakapagtataka ang sanib-puwersa na ito sa pagitan ng PSC at AFP.
Ito ay dahil maraming mga pambansang atleta, babae man o lalaki, ang nasa ilalim ng Philippine Army, Navy, at Air Force. Dapat ko ring banggitin ang kapulisan at ang Coast Guard na kung saan ay may mga pambansang atleta na aktibo sa serbisyo.
Hindi man napapasabak sa giyera na buhay ang kapalit ay ibang bakbakan naman ang sinusuong ng mga atletang ito upang makapagbigay ng karangalan sa Inang Bayan.
Sa totoo lang, tuwing dadalhin ng mga sundalo ang pangalan ng bansa ay matindi ang kanilang pagpapapawis at sakripisyo upang hindi mapahiya at tiyaking hindi masasayang ang perang inilaan sa kanila mula sa kaban ng bayan.
Mga bayani rin ang mga atletang sundalo sa kanilang sariling paraan.
Napakaganda ng pahayag ni AFP Special Services Chief Col. Taharudin Ampatuan sa tinaguriang Military-Athletes and Coaches Fellowship na ginanap kamakailan sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ginawa ang okasyon upang lalo pang paigtingin ang samahan ng PSC at ng mga atletang sundalo. Asahang magiging malaki ang kontribusyon ng mga atletang sundalo sa kampanya ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Sa kasalukuyan ay may 106 atletang sundalo ang nasa ilalim ng PSC.
“To seal the AFP’s long-time partnership with the PSC, I am welcoming PSC Chairman Ramirez and our Board of Commissioners to be part of our military reserve force,” sabi ni Ampatuan.

Tinukoy ni Ramirez ang espesyal na lugar ng mga atletang sundalo sa ahensya ng gobyernng humahawak sa palakasan.
“The PSC lauds the discipline of our athletes in the Armed Forces. I look at you to lead your co-athletes in discipline and performance,’’ sabi naman ni Ramirez na patunay ng kanyang paghanga at pagmamahal sa mga atletang sundalo.
Hindi pinalagpas ni Ramirez ang pagkakataon upang ipahayag ang magagandang balita na nangyayari sa PSC. Kabilang dito ang pagtataas ng allowance ng mga atlerta at coaches, ang pagkakaroon ng Nutrition Hall sa Rizal Memorial Sports Complex at sa Philsports sa Pasig City, pagsasaayos ng mga domitoryo ng mga atleta at marami pang ibang proyekto na ginagawa upang iangat at tiyakin na hindi magiging kaawa-awa ang mga nasyonal.
“For the first time in 29 years, the PSC is able to provide you all these service all at the same time,” sabi ni Ramirez na nagpahayag din ng buong suporta para sa AFP Mini Olympics na gaganapin sa Mayo at maging ang AFP-PNP-PCG Olympics.
“The AFP assures the PSC and our soldier-athletes of its total cooperation. The AFP is part of the general effort of the government for peace and development.”
Saludo ang Peks Man sa inyong lahat.

Read more...