13 nalunod sa Luzon

DI bababa sa labintatlo katao ang nalunod sa kasagsagan ng paga-outing ng mga tao sa iba-ibang bahagi ng Luzon, nitong Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Umabot sa walo ang nalunod sa mga beach, ilog, at swimming pool sa Batangas, Sorsogon, Rizal, Cavite, Quezon, at Catanduanes, noon lang Huwebes, batay sa mga ulat ng pulisya na nakalap ng Bandera.

Nito namang Biyernes, lima ang naiulat na nalunod sa Oriental Mindoro, Pangasinan, at Batangas.

Sa kabuuan, tatlo ang nalunod sa Batangas, sinundan ng tigda-dalawa sa Oriental Mindoro, Pangasinan, at Sorsogon, at tig-iisa sa Rizal, Cavite, Quezon, at Catanduanes.

Marami sa mga nalunod ay menor de edad, at ilan ay mga nasa hustong gulang na nag-swimming nang lasing.

Kaugnay nito, nasagip ang apat katao nang tumaob ang sinakyan nilang bangka sa bahaging dagat na sakop ng San Andres, Catanduanes, nitong Biyernes.

Ang apat ay pawang mga nag-inuman sa dagat habang sakay ng bangkang de motor, hanggang sa itaob ng malalaking alon at malakas na hangin ang kanilang sasakyan, ayon sa Catanduanes provincial police.

Napag-alaman na sila’y mga construction worker na mula sa Davao region at ipinadala ng kanilang kompanya sa Catanduanes para gumawa ng slope protection wall. 

Read more...