Abu sa Basilan kidnapping dakip sa QC

NADAKIP ang kasapi ng Abu Sayyaf na wanted para sa isang high-profile kidnapping sa Basilan halos walong taon na ang nakaraan, sa operasyon sa Quezon City, ayon sa pulisya Lunes.

Naaresto ang suspek na si Abuhair Kullim Indal, 32, Biyernes ng hapon, sa kanyang bahay sa Cotabato st., Salam Compound, Brgy. Culiat, sabi ni Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., direktor ng Quezon City Police District.

Mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Unit, PNP Intelligence Group, City Police Station 3 (Talipapa), at isang team ng Special Weapons and Tactics ang nakaaresto kay Indal dakong alas-4:25.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 1 sa Isabela City, Basilan, para sa kidnapping and serious illegal detention, ani Esquivel.

Nag-ugat ang kaso sa pagdukot ng mga bandido, na pinamunuan ni yumaong Abu Sayyaf commander Isnilon Hapilon, sa 15 katao sa Golden Harvest Plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, noong Hunyo 11, 2001.

Nang mamataan si Indal sa kanyang bahay sa Culiat, nanakbo siya papasok sa silid at hinabol ng mga operatiba.

Nakita siyang kumuha ng granada sa ilalim ng kama, ngunit nadamba ng mga pulis hanggang sa maagaw ang pampasabog, ani Esquivel.

Si Indal, kilala sa mga alyas na “Annual Dasil” at “Abu Khair,” ay dating tagasunod ni Abu Sayyaf sub-commander Furuji Indama at minsan ding nagsilbi sa ilalim ni sub-commander Nur Hassan Jamiri, aniya.

Nasangkot din siya sa isang engkuwentro laban sa militar noong Agosto 2001 sa Kumalarang, Isabela City, kung saan siya nasugatan sa kanang kamay, ani Esquivel.

Sinampahan na si Indal ng karagdagang kaso ng illegal possession of explosive kaugnay ng Omnibus Election Code, at resistance and disobedience to agents of authority, aniya. 

Read more...