HANGGANG ngayon ay wala pa ring diretsong pag-amin si Vice Ganda tungkol sa relasyon nila ni Ion Perez o mas kilala bilang Kuya Escort sa It’s Showtime.
Pero marami ang naniniwala na matagal-tagal na rin ang love affair ng dalawa. Very obvious naman daw ito sa mga kilos at tinginan nila sa Showtime.
Feeling ng madlang pipol, hindi na biruan ang kaswitan nila sa isa’t isa kapag nagtutuksuhan sila sa Kapamilya noontime show.
Nitong nakaraang episode ng programa, muling pinakilig ng dalawa ang manonood at ang kanilang mga kasamahan sa show.
Sa segment na “KapareWho” ay nagtanong ang Unkabogable Star ng mga gagawin nila sa iba’t ibang sitwasyon, sagot agad ni Ion sa kanya na, “Okay lang ako masaktan, maging masaya ka lang.
“Doon ko ipaparamdam sa taong mahal ko na sobrang importante siya sa akin,” dugtong pa ng binata.
“Isa-sacrifice ko ang lahat tulad ng masaktan man ako ng paulit-ulit para maging masaya ka,” sagot naman ng binata nang tanungin ni Vhong Navarro kung ano ba ang mga kaya niyang isakripisyo para kay Vice.
Hirit naman ni Vice Ganda sa kanya, parang “naglolokohan” na lang daw sila ngayon na sinagot naman ni Kuya Escort ng, “Never ako nakipagbiruan sa ‘yo… Sa ngiti lang ‘yun, pero ‘yung nararamdaman ko sa ‘yo, seryoso.”
Hiyawan at palakpakan naman ang studio audience sa pagpapakilig nina Vice at Ion.
Kung matatandaan, kumalat sa social media ang mga litrato nina Vice at Ion na magkayakap at tila nag-iiyakan sa taping ng Gandang Gabi Vice kung saan special guests sina Bea Alonzo at Charo Santos.
Ayon sa mga nakasaksi ng eksena, umamin na raw ang dalawa sa tunay na estado ng kanilang relasyon sa mismong harapan nina Bea at Charo. Hindi naman ipinakita ang mga nasabing tagpo nang ipalabas na ang nasabing episode ng GGV.