NASAWI ang lalaki at dalawa niyang anak, habang isa pa ang sugatan, nang masalpok ng van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bahagi ng Maharlika Highway sa Atimonan, Quezon, Miyerkules ng gabi.
Nasawi ang driver ng tricycle na si Vicente Balderosa, 33; at mga anak niyang sina Marian, di lalampas sa 10-anyos; at Vincent, di lalampas sa 5-anyos, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Nilulunasan pa sa ospital ang isa pa niyang anak na si Justine, di lalampas sa 15 ang edad.
Naganap ang insidente alas-7:30, sa bahagi ng highway na nasa Brgy. Balubad.
Minamaneho ni Vicente ang tricycle patungong timog nang masalpok ito ng Nissan Urvan (UOG-406) na dala ni Jay-R Llorca Salvo, 28.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-swerve sa kabilang lane ang tricycle bago ang salpukan, ayon sa ulat.
Sa lakas ng impact, tumilapon sa kalsada ang mga sakay ng tricycle at sila’y nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan.
Dinala ang apat sa Doña Marta District Hospital para lunasan, ngunit di na umabot nang buhay ang tatlo.